MANILA, Philippines - Hinirang na kauna-unahang The X Factor Philippines grand winner si KZ Tandingan, isang band vocalist mula Digos City, matapos siyang makakuha ng pinakamataas na boto sa ginanap na final results night noong Linggo (Oct 8) sa PAGCOR Grand Theater.
Ang manok ni Charice na si KZ ay nakakuha ng 54.77% ng pinagsamang text at online votes na siyang tumalo sa second placer na si Gab Maturan na may 32.33% at third placer na Daddy’s Home na may 12.90%.
Hindi na nga napigilan ni KZ na umiyak habang tinatanggap ang kanyang premyo at agad na nagpasalamat sa lahat ng sumuporta sa kanya. Muli ring ibinida ng dalaga ang kanyang nais patunayan sa pagsali sa kumpetisyon.
“Simple lang naman ang goal ko— ang mapaayos ang church namin at mapatunayan na hindi lang biritero’t biritera ang puwedeng manalo,” mangiyak-ngiyak na sabi ni KZ.
Audition pa lang ay paborito na ng nakararami si KZ dahil sa kanyang naiibang pag-awit sa awiting Somewhere Over the Rainbow. Sadyang unique at natatangi ang ginawa niyang pagkanta sa classic song ni Judy Garland na nagpabilib sa judge-mentors na sina Gary Valenciano, Martin Nievera, Pilita Corrales, at Charice. Nasambit pa ni Gary pagkatapos ng kanyang audition piece, “a star is born in Digos City.”
Hindi na sana itutuloy ni KZ ang karera sa pagkanta dahil sa pinagdaanang problema sa lalamunan noong nasa high school. Nawala ang kanyang kumpiyansa sa sarili lalo pa’t hindi na niya naibibirit ang mga kanyang dati’y naibibirit niya. Ngunit sa tulong ng kanyang pamilya at mga kaibigan, nagkalakas ng loob si KZ na muling yakapin ang musika at hanapin ang sarili sa larangang noon pa ma’y kanya nang mahal. Kaya naman ganoon na lang ang kagustuhan niyang ipamukha sa lahat na hindi kailangang biritero o biritera ang isang mang-aawit para matamo ang tagumpay sa industriya ng musika sa bansa.
Samantala, tinutukan ng mas maraming Pilipino ang dalawang gabing finale ng The X Factor Philippines matapos itong mamayagpag sa national TV ratings sa parehong araw. Pumalo ang final performance night noong Sabado (Oct 6) sa average national TV rating na 19.2% kontra Kapuso Movie Night (13.9%) at Artista Academy (3.7%). Wagi rin ang final results night noong Linggo (Oct 7) na nakakuha ng 24.5% average national TV rating kumpara sa Protégé ng GMA7 na may 10.5%.
Nagbukas din ang finale ng The X Factor Philippines, na gumawa ng ingay online at nag-trend pa sa Twitter, sa isang energetic na production number mula mismo sa host na si KC Concepcion. Nagbigay din ng solo performances ang judge-mentors at isa isa ring nagtanghal kasama ang kanilang mga finalist na alaga.
Nagsimula sa UK ang The X Factor kung saan tinagurian itong pinakamalaking talent search.