Hindi naman siguro ipagkakait ng publiko ang karapatan kay Derek Ramsay para makahanap ng bagong love life. Pitong buwan na rin naman ang nakakaraan simula nang maghiwalay sila ni Angelica Panganiban. At kung ang Kapamilya actress ay masaya na sa bago niyang pag-ibig, bakit hindi naman ang Kapatid actor?
Sinabi ni Derek na ang ex niya marahil ang huling artista na papayag siyang makarelasyon dahil hindi na niya kakayanin pa ang isa pang high-profile relationship. Kaya sa kasalukuyan ay may idini-date siya isang nonshowbiz girl na poprotektahan niya hangga’t makakaya niya at itatago sa publiko.
“Healed na ang puso ko. I’ve moved on. Sana mapagbigyan ako sa hinihingi kong privacy sa aking personal life,” hiling ng pinag-aagawang lalaki nina Anne Curtis at Andi Eigenmann sa A Secret Affair.
Mas gustong maging producer at director Marvin Agustin goodbye na sa pag-arte
Wala naman akong masabi kay Marvin Agustin. Ayaw papigil sa pagbubukas ng mga restaurant sa Metro Manila. Kelan lang ay kabubukas ng kanyang ika-27th restaurant sa SM Manila, ang Tokyo Grill, isang Japanese restaurant na mas affordable kesa sa ibang Japanese resto na binuksan niya.
Proper scheduling ang ibinigay niyang dahilan kung paano niya nagagawang pangasiwaan ang napakaraming kainan na pinagtutulungan nila ng mga ka-partner/friends niya.
“Iba-iba kami ng trabaho and so far, wala namang pumapalpak sa amin. Kung hindi, lalaki ba ang negosyo at darami ang restaurants namin? Kami ng mga kaibigan ko, matagal na kami, subok na namin ang isa’t isa,” sabi ng aktor.
Sa rami ng negosyo ni Marvin ay halos bilang na ang ginagawa niyang pelikula o mga proyekto sa aktingan. Idagdag mo pa ang paglilibot nila ng bansa para magsagawa ng auditions para sa Kanta Pilipinas, isang singing contest na nakatakdang mapanood sa TV5 kundi sa huling buwan ng 2012 ay sa early 2013.
Unang pagpo-prodyus ito ni Marvin ng isang show sa kumpanya ni Manny V. Pangilinan.
Kasabay ng pag-iikot sa bansa para makahanap ng magsisilbing contestants sa Kanta Pilipinas, nagsisilbi rin siyang host ng Artista Academy na patungo na sa kanyang kapana-panabik na finale at magbibigay ng pinakamalaking premyo sa dalawang mananalo.
Plano ni Marvin na pasukin din ang pagiging direktor sa malapit na hinaharap.
Bibigyan naman siya ng TV5 ng pagkakataon na mairaos ang pangarap niyang ito. Pero hindi pa siya handa sa ngayon.
Zaijian pinatunayan na naman ang kahusayan
Nabaliw naman ako sa sabay na pagwawakas ng Lorenzo’s Time at One True Love. Salamat na lamang sa tulong ng remote control at nagawa kong mapanood ng maayos ang dalawang magkasabay na programa ng ABS-CBN at GMA 7 na matagal ko ring sinubaybayan. Buti na lamang at hindi magkasabay ang mga komersiyal ng mga ito, kaya nagawa kong mapanood at maintindihan ang huling takbo ng istorya.
Hanggang sa huli, pinatunayan ni Zaijian Jaranilla ang kanyang kahusayan bilang isang batang artista. Talagang siya ang nangungunang batang artista sa Kapamilya Network pagdating sa aktingan at kaguwapuhan. Nagawa niyang ibigay ang hinihingi ng kanyang role ng isang bata na napag-iwanan ng panahon. Ang dami niyang eksena na hindi siya nagpapaiyak pero naramdaman ko na lamang na tumutulo ang luha sa mata ko. Hindi ako nalungkot sa pagkawala niya, dahil I thought napaka-unfair ’yung ginawang pagpapatulog sa kanya ng napakahabang panahon.
Maraming magagandang bahagi ng kanyang buhay ang na-miss niya pero maayos namang naipaliwanag at naibalik sa kanya bago man lamang siya muling mawala. Ang galing ng mga suporta niya, mula kay Amy Austria, Carmina Villaroel, James Blanco, Gina Pareño, Rommel Padilla hanggang sa tumanda nang si John Estrada at maging si Tirso Cruz III.
Maganda rin naman ang kinahinatnan ng love story nina Tisoy at Elise (Alden Richards at Louise delos Reyes). All’s well that ends well bagama’t hindi ako masyadong sampalataya sa naging wakas ng character ni Raymond Bagatsing bilang Carlos na sa palagay ko ay mas kakaunti ang kasalanan kumpara kay Leila (Agot Isidro) pero mas madaling pinatawad at tinanggap ni Tisoy, sila ni Ellen (Jean Garcia). Sayang at hanggang sa huli ay hindi yata nabatid ni Tisoy na ang ama niya ang sumuporta sa kanyang pag-aaral. Sa huling frame na kung saan ay paalis na si Tisoy, kasama sina Ellen at Leila, ay halos iwan pa rin nila si Carlos para pumunta sa graduation blowout ni Tisoy. Humabol na lamang ito sa kanilang tatlo.
Follies de Mwah magpapasikat sa Resorts World
Binabati ko ang mga kaibigan kong sina Cris Nicolas at Pocholo Mallilin sa patuloy nilang pagbibigay ng mala-Las Vegas na produksiyon sa Club Mwah, isang entertainment place na matatagpuan sa Boni Ave., Mandaluyong City. Patuloy ang pagpapalabas sa naturang lugar ng Bedazzled shows tampok ang Follies de Mwah. Nakaka-10 palit na ito kaya bago nang bago ang mapapanood tuwing Biyernes at Sabado, 9:30 p.m. Kung interesado kayo, may website sila: www.clubmwah.com.
Samantala, magkakaroon ng series of performances ang Follies de Mwah, sa Resorts World Manila Newport Performing Arts Theater simula Oct. 29, 30, at 31 at sa lahat ng gabi ng Lunes, Martes, at Miyerkules ng November. Mapapanood ang maganda, makulay, at makabagong bersiyon nila ng mga sikat na palabas sa Broadway na kinonsepto at ginawan ng choreography ni Cris Nicolas.