Ibinuko ni Juday, sam nabubulol sa kanilang mga eksena
Ngayon pa lamang ay sobrang excited na si Judy Ann Santos na maipalabas ang kanyang bagong teleserye na Against All Odds.
Kasama ng aktres sa nasabing proyekto sina Sam Milby at KC Concepcion. Kaabang-abang daw ang bawat eksena sa bagong soap opera ni Juday. “Exciting siya actually. Sobrang ibang-iba siya sa mga past soaps ko kasi iba ‘yung character. Iba ‘yung abala sa soap kasi physically ‘yung nire-require sa kanya na pananakit, dapat physically prepared ka, emotionally prepared ka, kailangan may kurot pa rin siya ng humor. Hindi siya all out drama, action, so may reyalidad. Mas puwedeng mangyari sa totoong buhay ‘yung ibang eksena,” pahayag ni Judy Ann.
Kahit drama ang tema ng kanyang bagong proyekto ay masaya naman daw sila sa set nina KC at Sam. “Nakakatahimik kapag kasama mo ‘yung dalawa kasi ang dalas um-English. Tipong sagad na ba ‘tong usapan natin? Minsan si Sam gusto ko nang tanungin na, Sam, Amerikano ka ba talaga o Bisaya? Kasi hindi ko siya maintindihan,” nakangiting kuwento ng aktres.
Napansin din ni Judy Ann na halatang kabado raw si Sam sa tuwing magka-eksena sila pero pursigido raw ang aktor sa kanyang ginagawa. “Lagi kong sinasabi sa kanya, ‘Huwag kang ninerbyusin.’ Kasi ninenerbyos siya eh, kaya nabubulol sa pagsasalita. Si Sam naman ‘di naman mahirap katrabaho. Kung ano ang hinihingi ng director, ibibigay niya. ‘Yun nga lang nahihirapan siya sa pagde-deliver ng dialogue. Talagang gusto niya, ine-effort talaga niya nang bonggang-bonggang pagta-Tagalog, sadyang ayaw lang ng dila niya. Sabi ko nga sa kanya, Sam sa Pasko kung puwede lang kitang bigyan ng bagong dila, bibigyan kita,” dagdag pa ng aktres.
Kathryn ramdam na sikat na ngayon
Sa nalalapit na pagtatapos ng teleseryeng Princess And I ay aminado ang bida nitong si Kathryn Bernardo na malaki raw ang nangyaring pagbabago sa kanya bilang aktres. “Feeling ko nag-mature ako kasi mas marami akong natutunan ngayon especially with our director. ‘Yan si Direk Rory Quintos na talagang super ang dami mong matututunan sa kanya and very strict talaga siya sa amin, pero in a good way naman. Para matuto kami and para matuto ka na mas maging professional kasi makikita mo kung gaano ka-professional si Tito Albert (Martinez),” pahayag ni Kathryn.
Pakiramdam ng dalaga ay naging mas naging sikat pa siya ngayon dahil sa pagganap niya bilang si Mikay sa kanilang serye. “Ngayon kasi Mikay na tawag nila sa akin. Parang feeling ko, yes graduate na ako sa Mara Clara, hindi na Mara ‘yung tawag sa akin,” natatawang kuwento ni Kathryn.
Samantala, gusto raw magbakasyon ng dalaga sa Hongkong o Singapore kapag magkakaroon ng pagkakataon pagkatapos ng kanilang teleserye.Reports from JAMES C. CANTOS