Marc at Alden nakakagulat ang galing!

Kung talagang may na-establish man sa dalawang teleserye ng GMA 7 na magtatapos ngayon, ang Faithfully at One True Love, ito ang pagiging mahusay na kontrabida ni Marc Abaya at ang pagiging magandang love team nina Louise delos Reyes at Alden Richards.

Talagang nakakainis sa kanyang role si Marc. Kulang na lang na mamatay siya sa galit ng mga manonood. Sa husay niya napapalutang niya ang mga bida.

Magaling si Louise sa kanyang mada-dramang eksena pero isang revelation si Alden. Sa isang iglap, nakakaiyak siya na isang malaking factor at nakapagpapalambot ng puso ng mga babae. Kaya nga patung-patong na ang kanyang mga follower. Gusto ko lang makita kung magiging mas effective si Alden kapag iba na ang kapareha niya.

Julie Anne kaya kahit wala si Elmo

Mukhang after nung movie nila ni Elmo Magalona ay napakabilis na ng pagsipa ng career ni Julie Anne San Jose. Kung magpapabaya ang kapareha niya ay baka maunahan pa niya ito.

Ang dapat siguro ay pinagsasabay sila maging sa mga mall show para hindi mapag-iwanan ang anak ni Master Rapper. Ang maganda kay Julie Anne, keri niyang tumayong mag-isa lang. At kahit hindi siya umakting, mabubuhay siya sa pagkanta lang.

Political dynasty ayaw tantanan ang mga Pilipino

Nakakainis na talaga ’yung ginagawa ng maraming mapera na pagtakbo sa pulitika. Lumalabas tuloy na kahit wala kang alam basta may pera ka ay mananalo ka na. Nakakatuwa na sana magandang panlaban sila sa mga nagtatatag ng political dynasty, ’yun nga lang hindi sila magandang second choice.

Bakit nga ba parang ayaw nang iwan ng mga datihang pulitiko ang pulitika? Kapag natapos nila ang napakahabang termino ay pinatatakbo nila ang kung hindi asawa nila ay anak o kaya kapatid. At pagkatapos ay babalik na naman sila! Ayaw na nilang tantanan.

Kaya ako galit sa mga nagki-claim na serbisyo ang layunin nila. Puwede naman silang tumulong kahit wala sa posisyon. Malaki siguro talaga ang kaway ng pagkakaroon ng kapangyarihan at ng pera para kalimutan nila ang delicadeza at patakbuhin ang lahat nilang kapamilya. Pero hindi mo naman sila masisi dahil inilalagay pa rin sila sa puwesto ng mga tao.

Show comments