MANILA, Philippines - Alam na ng lahat ang lagay ni Elize (Louise delos Reyes) — na may taning na ang buhay nito.
Malalaman rin ni Carlos (Raymond Bagatsing) na nakabalik na si Leila (Agot Isidro). Susugurin nito ang dating asawa pero siya ang magugulat nang malaman nitong may iba nang karelasyon ang babae: Si Johnny.
Sa hindi maipaliwanag na dahilan, agad iinit ang dugo ni Carlos kay Johnny — na siyang magtutulak kay Leila na lalong mainis sa dating karelasyon.
Pupuntahan naman agad ni Tisoy (Alden Richards) si Elize matapos ibalita sa kanya ni Ellen (Jean Garcia) ang pag-uwi ni Elize sa bahay nila. Malulungkot si Tisoy sa kalagayan ng babaeng minamahal, lalo pa nang marinig nito ang kuwento ng dalaga kay Dyna (Ana Capri) tungkol sa lalaking lagi niyang napapanaginipan.
Kakausapin ni Tisoy si Elize, mararamdaman na malapit nang mawala sa kaniya ang babaeng pinakamamahal. Kaya gagawa ito ng paraan para maging masaya ito sa mga huling araw nito. Pero paano niya gagawin ’yun ng walang pera?
Carla suggests na lapitan na ni Tisoy ang ama niya.
Magwawala naman si Carlos sa bahay niya ngayong alam na niya ang tungkol kay Leila at Johnny. Itatanong ni Marla (Wynwin Marquez) kung nagseselos ba ang lalaki pero hindi rin ito aamin.
Pupuntahan naman ni Leila si Ellen para kamustahin ang lagay ni Elize. Aawayin ni Ellen si Leila, pero mapipigilan ito ni Troy (Lucho Ayala). Hihingin ni Elize kay Ellen na payagan si Leila na bisitahin siya.
Wala na kayang balakid sa buhay ni Tisoy Bulaong? Subaybayan ang huling linggo ng One True Love sa GMA 7.