Nakakatanggap ako ng mga text message mula sa mga tao na hindi ko kilala. Juicy at kontrobersiyal ang mga text message na ayokong patulan, kesehodang may kinalaman sa showbiz dahil libelous.
May mga text message tungkol sa iringan ng mga pulitiko na kakandidato sa 2013. Siyempre, hindi ko rin papatulan dahil magagamit lamang ako ’no?!
Mabuti sana kung pagkakitaan ko sila eh ni hindi kami personal na magkakakilala, hitsurang araw-araw na laman sila ng mga diyaryo at news program.
Gustung-gusto ng mga pulitiko na maisulat sila sa mga entertainment page dahil ito ang section na talagang binabasa ng mga tao. Paano naman isusulat o tutulungan ng entertainment press ang mga papansin na pulitiko na walang naitutulong sa showbiz?
Bea itatapat sa please be careful…
Magkakasunod na magsisimula ang mga bagong programa ng GMA 7 para sa last quarter ng 2012.
Mag-uumpisa sa Oct. 8 ang Magdalena na susundan ng Sarap Diva, ang cooking show ni Regine Velasquez.
Ipinapakita na ang teaser ng Temptation of Wife, ang teleserye na pagbibidahan nina Marian Rivera at Dennis Trillo. Ang Temptation of Wife ang unang project ni Rafael Rosell bilang Kapuso actor.
Nakalagay na sa kanto ng EDSA at East Avenue, Quezon City ang giant billboard ng Tagalog adaptation ng Coffee Prince na pagtatambalan nina Aljur Abrenica at Kris Bernal. Ang Coffee Prince ang unang teleserye ni Benjamin Alves sa GMA 7.
Napanood ko na ang teaser ng morning drama show na tatampukan ni Bea Binene at may tentative title na Angelina del Cielo. Ang programa ni Bea ang itatapat ng GMA 7 sa Be Careful With My Heart ng ABS-CBN.
Kylie haharapin na ang album sa pagkaudlot ng Haram
Nalungkot si Kylie Padilla nang sabihin sa kanya na hindi na matutuloy ang Haram pero magkakaroon ito ng kapalit, isang bagong show na tatampukan niya.
Maganda ang attitude ni Kylie dahil nawala man ang Haram, magkakaroon siya ng sapat na oras para sa kanyang record album na katuparan ng dream niya na maging singer.
Kapamilya nag-adjust ng mga show para kay Dolphy
Nasa kabilang buhay man si Mang Dolphy, nagawa niya na pagbuklurin ang mga leading TV network, ang ABS-CBN, GMA 7, at TV5 na nag-air ng tribute sa kanya, ang Dolphy Alay Tawa.
Ang ganda ng mga TV plug ng tatlong network sa tribute kay Mang Dolphy. Magkakasabay ang telecast kagabi, pati na ang mga commercial break ng GMA 7, ABS-CBN, at TV5.
Magkakaalaman kung alin sa mga nasabing TV station ang pinili ng televiewers sa panonood ng tribute para sa King of Comedy, base sa ratings na lalabas ngayon.
Nagulat ako dahil maagang nagsimula kahapon ang The Buzz ng ABS-CBN. Hindi pa tapos kahapon ang Manny Many Prizes, nag-umpisa na agad ang The Buzz na dati-rating nag-uumpisa ng 4:00 p.m.
May kinalaman kaya ang Dolphy tribute sa maagang pagsisimula at pagtatapos ng mga Sunday program ng Kapamilya Network?