MANILA, Philippines - Muli na namang pinatunayan ng ABS-CBN na ito ay isang responsableng media organization na nagsusulong ng magagandang asal sa mga manonood matapos nitong makuha ang pinakamaraming bilang ng parangal sa parehong radio at television categories sa ginanap na 34th Catholic Mass Media Awards (CMMA).
Nakakuha ng siyam na parangal sa TV ang Kapamilya Network kabilang ang Best Drama Series para sa advocacy-series Budoy; Best Comedy Program para sa Toda Max; Best News Magazine Program para sa Patrol ng Pilipino episode na Monasteryo; Best Children and Youth Program para sa Wansapanataym; Best News Program para sa TV Patrol Weekend; at Best Station ID para sa Pinoy Summer Da Best Forever na inawit nina Sarah Geronimo at Gerald Anderson.
Kinilala naman sa pamamagitan ng special citations ang Dahil sa Pag-ibig para sa Best Drama Series category; Failon Ngayon para sa Best News Magazine Program; at Matanglawin para sa Best Children’s Program.
Para naman sa mga kategorya sa radyo, siyam rin ang iginawad sa AM radio station ng ABS-CBN na DZMM. Panalo ang DZMM sa Best Radio News Program para sa Patrol Balita Alas Dose; Best News Commentary para sa Failon Ngayon; Best Special Event Coverage para sa Baha sa Bulacan Coverage ng DZMM Teleradyo; Best News Program para sa Radyo Patrol; Best Public Service Program para sa Radyo Negosyo; at Best Business Commentary para sa Sikap Pinoy. May special citations din ang Usapang Kapatid para sa Best Counseling Program category; Music and Memories para sa Best Entertainment Program (Special Citation) at Todo Todo Walang Preno para sa Best Entertainment Program.
Samantala, nailuklok na sa CMMA Hall of Fame ang drama anthology ng Dos na Maalaala Mo Kaya para sa Best TV Drama program habang ang Dr. Love ng DZMM ay hall of famer na rin para sa Best Radio Counselling Program.
Nakatamo rin ng parangal ang ABS-CBN sa music categories. Panalo bilang Best Music Video ang music video na Piliin Mo ang Pilipinas, na inawit ni Angeline Quinto at Vincent Bueno para sa travel website ng ABS-CBN na Choose Philippines, habang ang Dahil Sa ’Yo ni Juris sa ilalim ng Star Records ang kinilala naman bilang Best Secular Song.
Maging ang head ng ABS-CBN Corporate Communications na si Bong Osorio ay nagdala rin ng tagumpay sa Kapamilya Network dahil ang column niyang COMMONNESS sa The Philippine Star ay wagi sa Best Business Column category.
Ang CMMA ay inoorganisa ng Archdiocese ng Manila at iginagawad sa media, mapa-radyo, press, advertising, telebisyon, o pelikula, na hinuhubog ang pagkatao ng Filipino audience sa pamamagitan ng propesyunal na paggamit ng mass media at pagpapalaganap ng Christian values.