ABS-CBN at DZMM, wagi sa VACC awards

 MANILA, Philippines - Humakot ng parangal ang ABS-CBN at DZMM sa katatapos lang na Volunteers Against Crime and Corruption (VACC) Awards para sa masigasig nitong kampanya laban sa katiwalian at pagtulong sa mga biktima ng krimen.

Tumanggap ng special award ang ABS-CBN at DZMM bilang Television at Radio Stations of the Year, habang nakuha naman ng Failon Ngayon ng batikang mamamahayag na si Ted Failon ang pinakamataas na pagkilala para sa Anti-Corruption Campaign category dahil sa patuloy nitong pagsasapubliko ng mga suliranin ukol sa katiwalian at pagbibigay sa mga ito ng karampatang solusyon.

Pinarangalan naman bilang Best Television Show ang current affairs program na XXX, habang wagi rin ang isa sa mga anchor nitong si Julius Babao bilang Best Television Host.

Panalo rin ng special awards ang programang Rated Korina ng DZMM at anchor nitong si Korina Sanchez sa TeleRadyo category, ang Dos Por Dos anchor na si Anthony Taberna para sa Radio News Anchor category, at DZMM Radyo Patrol 38 Noel Alamar naman para sa Radio Reporter category.

Ipinamigay ang mga parangal sa ika-14 aniberasyo ng VACC, isang non-government organization na naglalayong itaguyod ang katarungan sa bansa.

Show comments