Napabalitang muling gagawin ni Angel Locsin ang teleseryeng nagawa na niya noon, ang Darna. Nakahanda naman ang aktres kung sakaling siya nga ang mapipiling gumanap para sa nasabing proyekto. “Hindi ko alam, pero ako siyempre gusto ko lang alagaan ang sarili ko, kung maibibigay ba sa akin ulit ’yung oportunidad o hindi. Pero ako, ready ako,” nakangiting pahayag ni Angel.
“Ako si Darna talaga, pero sinurender ko ang bato noon. So, hindi ko alam kung ibabalik pa sa akin ang bato. Hindi ko alam, hindi pa ako makapagsalita. Siyempre management po ang magsasalita and nothing is final pa naman.”
Wala namang nakikitang masama si Angel kung sakaling siya nga ang mapipiling gumanap bilang Darna.
“So, tingnan natin kung pareho pa bang Darna ang makikita pero hindi fair kung maaga akong magsasalita kasi wala pa namang final or hindi pa rin napi-present talaga ’yung story. Okay naman kasi ’yung naiwan ko bilang Darna before. So, parang lahat pag-iisipan namin,” paliwanag ni Angel. Nagpapasalamat din ang aktres sa mga tagahangang patuloy na sumusubaybay sa kanya.
Ngayon ay ine-enjoy muna ni Angel ang paggawa ng sitcom dahil kasama siya sa Toda Max. Maraming natututunan ang aktres mula sa kasamahang sina Robin Padilla at Vhong Navarro pagdating sa comedy.
Aiza masaya sa piling ni Krizza
Dalawampu’t limang taon na sa industriya ngayong taon ang singer-actress na si Aiza Seguerra. Bilang pagdiriwang sa kanyang anibersaryo ay isang special concert ang kanyang inihahandog para sa mga tagahanga, mamayang gabi na sa Smart Araneta Coliseum.
Hindi maikakailang magaling talagang singer pero ngayon ay nagsusulat na muli ng mga kanta si Aiza.
“I haven’t done a lot. Siguro sa mga nasulat ko isa lang ang masasabi ko na gusto ko, ’yung kay Juris. I really can’t say na isa akong songwriter. Sa totoo lang starting pa lang ako, ayoko ma-pressure na sumulat ng kanta.
“Gusto kong sumulat ako ’pag may gusto akong sabihin, hindi para kumita. Ang trabaho ko naman talaga singing. Songwriting is more of on the side lang talaga,” nakangiting pahayag ni Aiza. Samantala, matagal nang may mga bulung-bulungan na may espesyal na namamagitan kina Aiza at kay Krizza Neri na kasamahan ng singer sa isang show sa GMA 7 noon. Ano nga ba ang tunay na estado ng dalawa ngayon?
“Eto na lang, whatever I have with Krizza right now, we’re happy. ’Yun lang,” maikling sagot ni Aiza. “Ang puso ko ay malayang-malaya. Hindi kailangang mabilanggo.”
Reports from JAMES C. CANTOS