Kung hindi ko pa napanood ang trailer ng This Guy’s in Love with You Mare, hindi ko pa malalaman na may natapos palang pelikula na magkakasama sina Vice Ganda, Luis Manzano, at Toni Gonzaga. At palabas na ito sa October 10.
Bakit naman kaya pinakalihim-lihim ang pelikula na ito ni Wenn Deramas na mukha namang dapat ipagmakaingay dahil masaya ito, nakakatawa at malalaking artista ang nasa cast. Love story ito ng isang lalaki, isang babae at isang nagpapakalalaki. Pero sa trailer pa lamang ay na-realized ko na mas gusto ko si Vice na gay. Ayaw ko siyang lalaki!
Maja ayaw sapawan si Kim
Ang tapatan nina Kim Chiu at Maja Salvador ang pakakaabangan ng mga manonood ng TV kapag nagsimula nang mapanood ang bagong teleserye nila sa ABS-CBN na pinamagatang Ina Kapatid Anak sa October sa Primetime Bida.
Dalawang opposite characters ang gagampanan ng dalawang kabataang aktres.
Kung may nararamdamang pressure ang dalawa, naniniwala ang marami na mas higit si Maja dahil two time best actress na siya. Inaasahan ng marami na hindi niya basta-basta ipatatalo ang kanyang sarili maski na, at lalo na, sa pinakamatalik niyang kaibigan.
Mas kinakailangan namang mag-effort ni Kim dahil bida-kontrabida ang role ng kanyang friend, mas maganda itong paglaruan. Pero bago naman ang role na gagampanan ni Kim at first time niya itong gagawin.
Sa kabila ng kanyang dalawang best actress trophy, confident si Maja na hindi niya maa-outshine si Kim. “Maganda ang role niya at may fans na sila ni Xian. Pero kahit first time namin ni Enchong, matagal na kaming friends. Dito kami humuhugot ng emosyon. Ang challenge na lamang namin ay ang bumalik sa pagiging 16 year olds at pakiligin ang mga viewers,” ani Maja.
Karylle, mag-a-absent na naman sa Asap
Matapos ang matagumpay niyang pagsabak sa isang TV musical show sa Singapore na kung saan ay nabigyan pa siya ng nominasyon bilang best actress sa Monaco TV Festival, naoperang muli si Karylle para lumabas, this time sa isang drama series, sa nasabing bansa rin.
Pinamagatang Point of Entry, nagsimula nang mag-shooting ang panganay ni Zsa Zsa Padilla. Pansamantala na naman itong hindi mapapanood sa ASAP habang nagsu-shooting sa Singapore.
Bukod sa kanya, may ilang Pilipina pa rin ang kasama sa cast ng dramatikong teleserye, tulad ni Simon Ibarra. Mapapanood din ang Point of Entry dito sa bansa sa buwan ng Nobyembre.
Dalawang character ni Andrea makikilala na
Nagkakilala na ang dalawang characters na ginagampanan ni Andrea Torres sa Sana ay Ikaw Na Nga (SAINN). Nakilala na rin si Gilbert Zalameda (Mark Gil) at ang dahilan kung bakit galit siya sa mga Altamonte. Dito niya magagamit si Cecilia. Bago ito tutulungan niyang maibalik ang ganda ni Cecilia na sinira ng asido na isinabog sa kanya ni Olga (Andrea Torres din).
Hindi mapipigilan ni Cecilia ang pagpapakasal nina Carlos Miguel (Mikael Daez) at Olga. Pero ang paghihiganti sa mga Altamonte ay unti-unti nang nagkakahugis sa kanyang puso. Ganundin ang mga nararamdaman ng mga dating nakakakilala kay Cecilia, tulad ng kanyang ina (Rita Avila) at matalik na kaibigan (Ynna Asistio).