MANILA, Philippines - Magpapadala ng isang team ng ice carvers ang Snow World Manila ng Star City sa Alaska para sumali sa kumpetisyon ng 2013 World Ice Art Championship na gaganapin sa Alaska simula sa February 26, 2013. Sinabi ni Thomas Choong, ang president ng Winter Wonderland Entertainment na siyang operator ng Snow World sa Star City na nakita niyang ang mga Pinoy na ice carvers ay may laban sa world championship, dahil ilang ulit na rin siyang naging judge sa nasabing kumpetisyon.
Sinabi ni Choong na sa pagsali sa ganoong kumpetisyon, mas makikilala ang mga Pinoy na ice artists at magiging daan iyon para makuha sila sa mga trabaho sa abroad. Sinasabi niyang naniniwala siya na ang mga Pilipino ay kabilang sa pinaka-mahuhusay na ice carvers sa mundo sa ngayon. Si Choong ang may ari ng Snow World na nakatayo rin sa iba pang mga bansa. Siya ang imbentor ng “snow making machine” na siyang ginagamit sa Star City.
Ang binubuong team ng mga ice carvers na Pilipino ay sinasabing aalis sa Enero ng susunod na taon para magkaroon sila ng pagkakataong makapag-adjust sa klima sa Alaska bago ang kumpetisyon. Bago rin umalis ang team, gagawin din nila ang mas malaking Christmas display sa Snow World Manila. Ngayon sila rin ang gumawa ng mga kahanga-hangang ice carvings ng mga under sea creatures na siyang tema ngayon ng Snow World.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakasali ang mga Pilipino sa World Ice Art Championship na ginaganap taun-taon sa Alaska.