MANILA, Philippines - Kay bilis talaga ng panahon at ‘di natin namamalayang malapit na pala ang Pasko.
Sa Life and Style with Ricky Reyes ng GMA News TV ngayong Sabado alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga ay mamimigay ng maaga at sorpresang regalo. Magsa-Santa Claus ang beauty guru at salon czar na si Mader Ricky.
Dalawang tagahanga ang nangarap na makita at maka-bonding ang mga idolo. Ibang klaseng tuwa ang madarama ng fan ni Songbird Regine Velasquez-Alcasid nang mayakap ang idolo.Halos magtatalon naman sa tuwa ang baklitang impersonator ng TV host-komedyanteng si John Lapus. At siyempre, sa LSWRR ay nabigyan ng katuparan ang kanilang mga pangarap.
Mula sa letter-senders ng programa’y pumili ng gugulatin at paliligayahin. Una’y isang ginoo na nag-iipon para matikman ang iba-ibang water sports. ‘Di na niya kailangang magtipid para makamit ang pangarap. Dinala siya ng staff ng programa sa Subic, Zambales para makapag-water ski, kayaking, canoeing, wind surfing, atbp.
Dasal ng isang pamilya na marating ang Golden Sunset Resort na napapanood nila sa programa. Siyempre pa, makakamit nila ang sorpresa – isang libreng two day vacation sa nasabing lugar. Sinundo at hinatid pa sila ng aircon bus ng GSR.
Isa sa mga paboritong charitable project ni Mader ay ang Childhaus na pansamantalang tuluyan ng mga batang may malulubhang sakit at ng kanilang mga magulang o guardian. Walong taon na ito at patuloy ang serbisyo sa pamamagitan ng mga donor at sponsor na tulad ng pilantropong Amerikanong si Yank Harry (nasa larawan kasama nina Mader at mga batang may cancer). Mapapanood sa show ang makabagbag-dadaming motorcade mula sa dating inuupahang bahay sa Ofelia Village hanggang sa lupa’t bahay na kagandahang-loob ng isang ginoong may pusong-ginto sa Kamuning, Kyusi.
Laging panoorin ang Life and Style na produksyon ng ScriptoVision.