Hindi pa sa darating na Linggo ang airing ng Dolphy Alay Tawa, ang concert tribute para kay Mang Dolphy.
Sa September 30 pa ipalalabas ng sabay-sabay sa TV5, ABS-CBN, at GMA 7 ang star-studded concert na tinampukan ng mga artista ng Kapuso, Kapamilya, at Kapatid.
Nagawa ni Mang Dolphy na mapag-isa ang mga network na matagal nang may competition at ikinatuwa ito ng bayan.
Wish nga ng mga artista na maulit muli ang bonggang event na idinaos sa The Arena noong Miyerkules pero sana raw, hindi dahil may isang sikat na showbiz personality na sumakabilang-buhay at binigyan ng parangal.
Puwede naman daw pala na magkaisa ang mga TV network at ang kanilang contract stars para sa isang magandang layunin.
Heart iniisa-isang batiin ang mga kaaway
Nagkasundo sina Marian Rivera at Heart Evangelista sa tribute para kay Mang Dolphy. Ikinuwento sa akin ni Gorgy Rula na si Heart ang unang lumapit kay Marian nang magpang-abot ang dalawa sa The Arena.
Sa madaling -salita, all’s well that ends well. Sa totoo lang, mapagpatawad na tao si Marian. Nagkataon lang na masyadong sariwa ang isyu nang tanungin siya noon sa presscon ng Temptation Island kaya naging emosyonal siya at lalong lumaki ang kontrobersiya.
Knowing Heart, tuwang-tuwa ito dahil nagkaayos na sila ni Marian dahil napakaliit lang ng showbiz. Isa-isa nang nakakasundo ni Heart ang mga tao na nakasamaan niya ng loob. Ang kanyang dating manager na si Annabelle Rama ang isa sa matagal nang gusto ni Heart na makausap. Maingay na maingay din noon ang tampuhan nina Bisaya at Heart pero wala pang closure ang kanilang gap bilang busy pa si Annabelle sa pag-iikot sa North District ng Cebu.
Ruffa swak sa Sossy problems
May special participation si Ruffa Gutierrez sa Sossy Problems, ang pelikula ng GMA Films na kasali sa 2012 Metro Manila Film Festival.
Bagay na bagay si Ruffa sa pelikula dahil sosy siya sa tunay na buhay pero hindi nakaka-turn off ang kanyang kasosyalan. Siya ang sosy na nakakaaliw dahil very down to earth si Ruffa.
Kasama sa Sosy Problems sina Rhian Ramos, Solenn Heussaff, Heart at Bianca King. Leading men ng pelikula sina Mikael Daez at Aljur Abrenica.
Kasali nga pala si Ruffa sa Dolphy Alay Tawa dahil sila ng kanyang kapatid na si Raymond ang nag-host ng isa sa mga segment.
Si Lorna Tolentino ang nag-represent sa TV5, pati na si Sharon Cuneta at Derek Ramsay. Kaabang-abang talaga ang Dolphy Alay Tawa dahil sa mga big star na lumahok sa very relevant project ng naulilang pamilya ni Mang Dolphy.
Alay tawa sabay na sabay eere sa tatlong channel
Nagtatanong ang isang broadcast journalist, paano raw magiging sabay-sabay ang telecast ng Dolphy Alay Tawa sa TV5, ABS-CBN, at GMA 7 eh siguradong magkakaroon ng conflict sa mga commercial break.
Hindi yata nabalitaan ng broadcast journalist na pare-pareho at magkakasabay rin ang mga TV commercial na ipapakita ng tatlong TV networks kaya never na magkakaroon ng conflict o pagkakaiba.