MANILA, Philippines - Dati na’ng sikat ang mga Frisbee sa mga manlalaro. Ito ‘yung hinahagis na mga bilugang plastik o metal na sasaluhin naman ng kalaban, pabilis nang pabilis hanggang may hindi makasalo. Gamit ang parehong prinsipyo ng aerodynamics ng pinakabagong ride sa Star City – ang Star Frisbee.
Gawa sa Italy ang bagong thrill ride na ito. Sinasakyan ang isang bilog na gondola, na iikot ng sampung beses habang umuugoy pataas hagnggang umabot ng 120 degrees at 26.2 metro - 32 pasahero ang puwedeng lulan nito bawat sakay, na tatagal ng mahigit dalawang minuto.
Kontrolado ang Star Frisbee ng isang programmable logic controller, na siyang nagbibigay lakas dito. Mayroon itong Emergency Shutdown button at mga electric sensors para higit na maging ligtas. Bawat pasahero ay magsusuot ng shoulder harness at crotch strap belt na tatarangka bago umandar ang Star Frisbee. Hindi aandar ang makina kapag nakikita sa sensors na may bukas na circuit.
Dapat 4-1/2 feet pataas ang tangkad ng sasakay ng Star Frisbee. Bawal ilulan ang pagkain, inumin, o anumang matulis na gamit, kaya lahat ng mga dalahin ng pasaheero ay iiwanan sa package counter. Humawak mabuti sa mga bar at handrail, at huwag ilabas ang mga kamay at paa. Manatiling nakaupo hanggang hindi pa tumitigil ang ride.
Bukas na muli araw-araw ang Star City – mula alas-kuwatro ng hapon Lunes hanggang Huwebes, at alas-dos ng hapon tuwing Biyernes, Sabado, at Linggo.