Pagsasama nina Simon, l.A., Demi, at Britney sa X factor inaabangan ng fans sa studio 23
MANILA, Philippines - Natunghayan at talaga namang inabangan ng Pinoy fans ang pag-arangkada ng two-part second season premiere ng hit singing competition na The X Factor USA via satellite sa Studio 23 kamakailan.
Muling nagbalik ang judge-mentors na sina Simon Cowell at L.A. Reid ngayon kasama na ang teen sensation na si Demi Lovato at pop icon na si Britney Spears bilang bagong mga hurado at sama-sama nilang hahanapin ang natatanging talento, 12 taong gulang pataas, mapa-solo man o grupo na mangangahas harapin ang superstar judge panel at ang ikalimang hurado— ang mga manonood.
Bukod sa mga auditionees na nagpabilib na gamit ang kanilang boses, karisma, at stage presence, napanood na rin sa wakas ng fans kung paano nakihalubilo sina Demi at Britney sa mga kapwa hurado lalo na sa kilabot na si Simon.
“So far everything has been so much fun for all of us. Everything is like a new experience for me. It’s a lot of fun and the talents are amazing,” pahayag ni Britney.
Bagama’t may pagkakaiba ay masaya si Simon kay Britney at Demi bilang bagong hurado at pawang papuri ang kanyang ibinigay sa dalawa sa isang panayam sa People.com. Ibinunyag pa nito na si Britney daw ay may pagkamaldita at mahirap pabilibin habang si Demi naman ay nakakairita sa kanya ng kaunti. “I thought she was very confident, very bright, then became quite annoying, but knew what she was talking about,” paliwanag ni Simon.
Para naman kay Britney, ang pagiging hurado niya ay malumanay lang at hindi basta panlalait ang kanyang kritisismo. Si Demi naman ay inilarawan ang kanyang atake bilang masaya at totoo.
Talaga namang mas mahigpit na ang labanan sa edisyong ito. Aasahan din na mas ipapakita ng programa kung paano imementor nina Simon, L.A., Britney, at Demi ang kanilang mga magiging alaga sa kumpetisyon. Pahayag ni Simon, “A lot of what we did was off-camera. I think the mentoring process, how we actually work with the artists, how they interact with each other, where they’re staying, is an important part of this show. I think all that process has to be shown.”
Noong nakaraang season, tinanghal bilang unang grand winner si Melanie Amaro at ang mentor niyang si Simon Cowell ang nanaig sa mga hurado.
Mapatalsik na kaya si Simon sa kanyang trono? Sino sa mga kalahok ang karapat dapat mag-uwi ng US$5 million recording contract sa Syco/Sony Music?
Ngunit bago makilala ng mundo ang ikalawang The X Factor USA winner, unang makikilala ng mga Pinoy ang unang tatanghaling grand winner ng The X Factor Philippines, na pinangungunahan ni KC Concepcion bilang host at napapanood tuwing Sabado at Linggo sa ABS-CBN. Papalapit na ng papalapit ang finale kung saan lima na lang ang naglalaban-laban para sa pagkakataong maging bagong multimedia superstar.
Huwag palalampasin ang The X Factor USA 2 tuwing Huwebes at Biyernes, 7 PM na may replay sa parehong araw sa ganap na 10:30 PM sa Studio 23.
- Latest