Ang alam ko, matagal nang may offer kay German Moreno o Kuya Germs na pumasok ng pulitika na ang pinaka-latest ay ang tumakbong mayor ng Quezon City. At alam ko na bagama’t nakakalaki ng puso ang tiwalang ibinibigay nito sa Master Showman para rin siyang King of Comedy na tumatanggi dahil hindi niya malaman ang gagawin niya kung mananalo siya. Malaki ang tsansa na baka manalo siya kaya ganito rin humigit kumulang ang paniniwala ng beteranong TV host-comedian-star builder na noon pa tumutulong hindi lamang sa maraming tulad niyang artista kundi maging sa maraming mga taga-labas ng showbiz na lumalapit sa kanya.
Sa panahon ng aming pagkakaibigan, saksi ako sa maraming retiradong artista na humihingi sa kanya ng tulong. At hindi natatapos ang pagtulong niya sa kanila kundi humahanga rin ito pati sa miyembro ng pamilya nila. May kakilala akong malaking artista na tinutulungan niya kasama na ang mga anak nito at pati na rin ang kapatid nito.
Maaaring magbago ang isip ni Kuya Germs at makumbinsi ng mga taong lumalapit sa kanya pero sa puso at diwa ng comedian-TV host, ayaw niya ng kumplikasyon ng pulitika. Kaya makakatulog na ng mahimbing si Mayor Bistek, walang balak si Kuya Germs na kalabanin siya.
Mikael biglang rumatsada
Hindi lamang ang acting career ni Mikael Daez ang ratsada ngayon. In addition to his growing list of product endorsements na matapos lamang mapanood siya sa Sana ay Ikaw Na Nga nagdadatingan, napili rin siyang isang Ambassador for Peace ng Presidential Adviser on the Peace Process (OPPA). Layunin nito na mapaandar ang suporta ng publiko para sa pagpapanatili ng kapayapaan.
Nanliliit si Mikael sa gawaing inaatang sa kanya. Gagawin niya ang makakaya niya para maipaabot sa lahat lalo na sa labas ng showbiz, ang isang bagay na malabis ding pinaniniwalaan niya, ang pagsusulong ng kapayapaan.
Edgar Allan may itinatago sa tunay na seksuwalidad
Talagang ayaw papigil ni Edgar Allan Guzman. Hindi pa man siya nakakatapos ng kanyang role sa palabas na Bona sa tanghalan, heto na naman siya at sasabak sa isang episode ng Maalaala Mo Kaya (MMK) sa Sabado, Sept. 22. Bibigyang buhay niya ang character ni Ritchie, isang closet gay na ikinukubli ang kanyang tunay na seksuwalidad sa takot na mainsulto at maliitin ng tao. Nangangarap siyang maging seaman upang patunayan sa lahat na may mararating siya.
Iba ’yung best actor ka ng Cinemalaya, mas may pressure ang bawat role na tanggapin niya. Tulad lang nitong sa MMK na talaga namang ang halos lahat ng kinukuhang guest ay ’yung magagaling at may pinatunayan na.