Dismayado ang mga reporter dahil nakarating sa kanila ang balita na may utos ang publisher ng Summit Media na huwag imbitahan ang mga tabloid reporter sa presscon kahapon ng Cosmo Bash 2012.
Sa totoo lang, wala naman akong pakialam sa Cosmo Bash. Nagkataon lang na narinig ko ang mga emote ng mga tabloid reporter dahil ang feeling nila, biktima sila ng discrimination samantalang madalas ang kanilang pagsusulat tungkol sa mga event at project ng Summit Media.
Naniwala ang mga reporter na totoo na may directive ang publisher ng Summit Media na huwag imbitahan ang mga tabloid reporter dahil nanggaling ang impormasyon sa isang Marcie Linao na naturingang publicist ng publishing company ng mga Gokongwei pero siya pa ang nagpahamak sa kanyang mga bossing.
Linao ang apelyido ni Marcie pero malabo ang kanyang mga pahayag. Saan ka nakakita ng PR na ipinahamak sa mga reporter ang sariling kompanya? Sana man lang, nakipagplastikan na lang siya at sinabi na limitado ang mga inimbita. Hindi ’yung nakaka-offend na statement na ayaw ng Summit Media na mag-imbita ng mga tabloid reporter.
Hindi ito ang first time na nagreklamo laban kay “Marcie Labo” ang press people. May mga insidente rin na hindi niya iniimbitahan sa mga event ng Summit Media ang writers ng PEP at YES.
Dahil sa discrimination na ginawa ni Marcie sa tabloid reporters, hindi na lamang sila dadalo sa presscon bukas ng FHM. Ang feeling ng tabloid reporters, mababa ang tingin ng Summit Media sa kanila dahil sa sinabi ni Marcie Labo kaya bakit pa nila susuportahan ang mga project at event ng Summit Media?
Maling-mali ang discrimination sa mga tabloid reporter. Hindi ba alam ng mga feeling elitista na maraming anomalya sa gobyerno ang nabubuking dahil sa mga pasabog na news ng mga tabloid? Hindi na mabibilang ang mga nalutas na krimen dahil tinutukan ito ng mga tabloid reporter!
Kadalasan, nagsisimula sa mga tabloid ang malalaking isyu na pini-pick up na lamang ng mga broadsheet at ng mga TV news program! At hindi ba alam ni Marcie Labo na publisher din noon ng mga tabloid ang kumpanya na nagpapasuweldo sa kanya?
Eric punong abala sa alay-tawa
Birthday dinner para kay Mang Dolphy noong July 25 nang malaman ko ang plano ng Quizon Family na mag-produce ng show para sa Dolphy Aid Foundation.
Si Eric Quizon ang punong abala sa project at nakiusap siya noon na i-off the record muna ang kanilang balak dahil makikipag-meeting pa lamang siya sa mga bossing ng mga TV network.
Successful ang meeting ni Eric dahil pumayag ang ABS-CBN, TV5, at GMA 7 na suportahan ang kanilang project na may pamagat na Dolphy Alay Tawa: A Musical Tribute Show.
Ang sabi ni Eric, ang Kapuso Network ang unang nag-confirm ng suporta sa concert na magaganap sa Mall of Asia Arena sa Sept. 19. Malalaki at mga sikat na artista ang performers sa Dolphy Alay Tawa na siguradong tatangkilikin ng mga Pinoy dahil mura ang presyo ng tickets (Lower Box-P450, Upper Box-P250, at General Admission-P150).
Nagpapasalamat si Eric sa suporta na ibinigay ng tatlong leading TV networks at ng PLDT na major sponsor ng concert. Siyempre, ang Dolphy Aid Foundation ang beneficiary ng musical tribute para sa namayapa na King of Comedy.
Mona Louise dinaig pa ang mga macho na aktor sa tapang sa karayom
Marami ang nahabag sa child star na si Mona Louise Rey nang malaman nila na may juvenile diabetes ang bagets na bida sa Aso ni San Roque.
May mga gustong magbigay ng tulong kay Mona Louise dahil may mga paraan daw para mapababa ang kanyang blood sugar. Marami ang humahanga sa katapangan na ipinakita ni Mona Louise dahil sa kanyang rebelasyon na siya ang nagtuturok ng insulin sa sarili.
Daig na daig ni Mona Louise ang mga aktor na kilala ko na takot na takot sa turok ng karayom.