Hihimayin ni Jing Castañeda ang ordinansang nagkokontrol sa paggamit ng mga plastik bag sa mga tindahan, palengke, at iba pang pamilihan sa Quezon City ngayong Martes, Sept. 11, sa Patrol ng Pilipino.
Itinuturong sanhi ng malawakang pagbaha sa lungsod ang mga basura, partikular na ang mga plastik. Bibigyang linaw sa ulat ang kahalagahan ng kautusan at ang kaibahan nito sa mga ordinansang ipinatupad ng ibang lungsod sa Metro Manila sa pagpapaliwanag ng Chief of Staff ng QC na si Aldrin Cuñat.
Sa kampanya para sa isang mas malinis na kapaligiran, paano ba tinanggap ng mga tindero at mamimiling gumagamit ng plastic ang ordinansa?
Didinggin din ng Patrol ng Pilipino ang panig ng mga may-ari ng pagawaan ng plastic bag at kung paano maaapektuhan ang negosyo at ang mga manggagawa nito.
Samantala, iuulat naman ni Maan Macapagal ang tumataas na antas sa krimen sa Kamaynilaan na nakukunan pa ng mga CCTV camera. Paano ito inaaksiyunan ng kapulisan? Panoorin din ang testimonya ng mga naging biktima ng iba’t ibang modus operandi at matuto kung paano maiiwasan ang maging target ng masasamang loob.
Alamin ang mga kuwento sa likod ng mga balita ngayon sa Patrol ng Pilipino pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SkyCable Channel 26), 9:15 p.m. Para sa updates ng programa, sundan ang @Patrol_Pilipino sa Twitter o i-like ang www.facebook.com/PatrolNgPilipinoTV.