Matapos ang habagat na nagdala ng matinding pag-ulan at pagbaha sa malaking bahagi ng bansa, dapat namang antabayanan ng mga Pilipino ang isang matinding tagtuyot na dulot ng tinatawag na El Niño — ito ay ayon na rin sa Climate Monitoring at Prediction Section ng Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration o PAGASA.
Pero bago pa man dumating ang sinasabing El Niño, may ilang bahagi na rin ng bansa ang nakararanas ng kakulangan sa tubig. Ito ang tututukan ng Born to be Wild simula ngayong Miyerkules ng gabi sa isa na namang napapanahong special, ang three-part series na Critical Level.
Pupuntahan ng programa ang Barangay Catubig sa probinsiya ng Samar. Malayo sa pangalan nito ang nararanasang tagtuyot ng mga residente rito dahil matapos maghukay ng bukal na may lalim na six feet sa pag-asang makakuha ng tubig, gapatak lang pala ang naghihintay sa kanila mula sa nasabing hukay.
Samantala, sa Hilutungan Island naman sa Cebu, isang mahabang pila ang kinakaharap ng mga naninirahan dito para makakuha ng rasyon ng tubig na mula pa sa siyudad. Pero para sa mga taga-siyudad tulad ng Metro Manila, kabi-kabila ang maaaring pagkunan ng tubig. Bukod sa bottled waters, walang tigil din ang suplay nito sa bawat tahanan. Pero paano nga ba nakakarating sa mga bahay-bahay ang suplay ng tubig at saan nga ba ito napupunta matapos gamitin?
Huwag palalampasin ang mga nakakagulat na rebelasyon sa isa na namang napapanahong special ng Born to Be Wild, ang Critical Level, na magsisimula ngayong Miyerkules ng gabi, pagkatapos ng Saksi, sa GMA 7.