Tumawag ang TV and radio broadcaster na na-blind item kong nag-blind item din noon sa nasirang si DILG (Department of the Interior and Local Government) Sec. Jesse Robredo.
Ang paliwanag ni TV and radio broadcaster, walang problema sa kanila ni Sec. Robredo dahil galing din sa pamilya ng mga nasa pulitika ang kanyang misis kaya meron silang kakaibang ‘koneksiyon.’ At nang i-blind item daw niya ang dating DILG secretary na namatay sa plane crash, nag-text pa raw ito sa kanya.
Tungkol sa pagiging suplado ang issue ng TV and radio broadcaster sa yumaong secretary.
Actually, dalawa silang nag-blind item. Medyo inilihis ko lang, ’yun pala nahulaan agad ng mga nakabasa.
Aso ni San Roque interesting ang trailer
Ngayong gabi na mag-uumpisa ang Aso ni San Roque sa GMA 7. At sa trailer pa lang, mukhang interesting at bagay kay Pen Medina ang hitsura ng kanyang pagiging bading.
May pagka-fantasy ang tema at malayo sa istorya ng Bwakaw na nag-inspire sa GMA 7 para gawin ang Aso ni San Roque.
Ang bidang aso sa Bwakaw ang bida rin sa sisimulang programa ng Kapuso Network. Sayang lang at wala na sa palabas si Eddie Garcia na original na kasama ni Princess (name ng doggie) sa indie film na ipinalabas kamakailan.
Sina Princess at Mona Louise Rey ang mga bida sa Aso ni San Roque.
GOODBYE, ED
Ang lungkot ng nangyari sa kaibigan naming si Eddie Pacheco, dating lifestyle at entertainment editor/writer.
Sabado ng umaga nang may magbalita sa aming mga kaibigan niya na napatay siya ng magnanakaw na pumasok sa kanyang bahay sa Angeles, Pampanga.
Nang mag-retire siya sa pagsusulat, pumasok sa advertising/PR si Ed. Naging matagumpay din siya. Pero nang magsawa, tuluyan nang nag-retire at tumira na sa Angeles.
Pagdating naman niya roon, naisipan niyang mag-open ng furniture shop gamit ang teak wood na kinukuha niya sa isang kaibigan na si Janette Yao sa Makati City.
Hanggang inuutangan siya at ang iba ay hindi na nakakabayad kaya isinara niya ang nasabing furniture shop.
Ang ginagawa niya, paluwas-luwas na lang siya ng Maynila para makipagkita sa mga kaibigan niya rito.
Isa rin si Ed sa mga kauna-unahang kolumnista ng Pang-Masa (PM), sister publication ng Pilipino Star NGAYON (PSN).
Kung tutuusin, may edad na si Ed. Hindi na talaga niya kayang lumaban pero grabe raw ang inabot na saksak sa salarin. Halos hindi na makilala.
Nakakatakot na talaga ang panahon. Imagine ini-enjoy niya ang buhay niya malayo sa magulong Maynila pero ang sakit ng kanyang naging katapusan. Goodbye, Ed.