MANILA, Philippines - Naglunsad ng mga bagong programa ang DZMM na magdadala ng saya, katatawanan, at masusing pagtalakay ng mga balitang makabuluhan sa bayan kasabay ng pagkilalang natanggap nito sa prestihiyosong Asian Broadcasting Union (ABU) Prizes 2012.
Handog ng DZMM para sa mga tagasubaybay ng mga kuwento ni Marc Logan sa TV Patrol ang mas pinahabang kuwentuhang magbarkada sa kanyang sariling radio show na Logan Live tuwing Martes at Miyerkules, 1 a.m. hanggang 4 a.m.
Sa kanyang interactive music program, masasaksihan ang pagiging natural na komedyante at romantiko ni Marc na nagtutula at nagtatalakay ng mga usaping pag-ibig, pagkakaibigan, at pamilya, kasabay ng kanyang ’70s at ’80s music playlist.
“Comedy bar on air” naman ang umaarangkada sa O.A.! kasama ang mga komedyanteng sina Onse Tolentino at Alex Calleja na nagsanib pwersa upang bigyang buhay ang Sabado ng mga manonood sa kanilang batuhan ng mga hirit, trivia, at biro.
Maaliw sa tambalan ni Onse, ang grand winner ng Laugh Out Loud 2008 na siyang pinakaunang comedy talent search sa radyo, at ng stand-up comedian at manunulat na si Alex, ang first runner-up ng nasabing kumpetisyon, tuwing Sabado, 9 p.m.
Una namang ihahatid nina Ricky Rosales at Jun Lingcoran ang mga balitang bubulusok pa lang sa panimula ng linggo sa Radyo Patrol Balita Linggo tuwing 11 a.m. kapag Linggo.
Mainit at malaliman ang talakayan sa programa kung saan kapapanayamin nina Ricky at Jun ang malalaking personalidad at opisyal ukol sa mga isyu at usaping inaasahang puputok o lalaki pa sa mga susunod na araw.
Muling namang kinilala ang husay ng DZMM sa larangan ng broadcasting bilang ang tanging AM radio station na kakatawan sa Pilipinas sa ABU Prizes 2012 na gaganapin ngayong Oktubre.
Pasok bilang finalist ang DZMM Silveradyo Station ID, na inilunsad para sa ika-25 anibersaryo ng himpilan, para sa Radio Special Jury Prize at para rin sa Radio Jingles/Station IDs category. Finalist din ang Radyo Patrol Balita Alas-Dose sa Radio News Reporting category para sa pag-uulat nito ng pinsalang dulot ng bagyong Pedring noong nakaraang taon.
Patuloy rin ang pangunguna ng DZMM Radyo Patrol 630 sa puso ng mga tagapakinig dahil tinalo nito ang lahat ng AM radio stations sa buong Mega Manila ayon sa pinakahuling datos ng Nielsen Radio Audience Measurement nitong Hulyo. Nakakuha ang DZMM ng 34% na average audience share, labing-isang puntos na mas mataas kumpara sa DZBB (23%) at doble ng nakuha ng DWWW (15%) at DZRH (11%).
Nanaig din ang DZMM sa Metro Manila ayon sa sarbey ng Kapisanan ng mga Brodkaster ng Pilipinas (KBP) Radio Research Council dahil mula Lunes hanggang Linggo ay pinaka-tinutukan ito noong Marso sa 8% na audience share laban sa 6% lamang ng kalabang DZRH.
Samantala, tuluy-tuloy pa rin ang pamimigay ni Ted Failon ng “mahiwagang back pack at mahiwagang black box or Digibox” sa seeding program ng kanyang programang Failon Ngayon sa DZMM upang ipalaganap ang mas makabagong standard at paraan sa panonood at pagsagap ng channel sa telebisyon. DZMM TeleRadyo ang isa sa mga libreng channel na makukuha kapag pormal nang inilunsad ang Digital Television (DTV).
Kasabay rin ng pagdiriwang ng ika-26 taong pamamayagpag ng nangungunang himpilan sa Mega Manila, inilunsad na ng DZMM ang pinakabago nitong station jingle na inawit ni Zia Quizon.
Tutukan ang Logan Live tuwing Martes at Miyerkules, 1-4 a.m.; O.A.! tuwing Sabado, 9 p.m.; at Radyo Patrol Balita Linggo 11 a.m. sa DZMM Radyo Patrol 630, sa DZMM TeleRadyo (SkyCable channel 26), at online sa dzmm.com.ph. Para sa updates, i-follow ang @DZMMTeleRadyo sa Twitter o i-like ang www.facebook.com/dzmmteleradyo.