Direk Brillante pinupuntirya ang pinakamalaking award sa Venice filmfest

Naging interesado tu­loy akong panoorin ang Thy Womb nina Nora Aunor at Direk Brillante Mendoza dahil hindi lang basta pagsali sa Venice International Film Festival ang balak nilang salihan. Gusto rin nilang puntiryahin ang Golden Lion, ang pinakamalaking award na puwedeng makuha ng ka­sali rito.

Nasa Venice, Italy ang grupo ng direktor at ng Superstar kasama sina Lovi Poe at Mercedes Cab­ral na dinaluhan ang red carpet premiere ng kani­lang pelikula. Hindi naman nakapagtataka kung ma­sungkit ng pelikula ang minimithi nitong award dahil kung ibabase sa record ng mga kasama sa pelikula, lahat sila ay tumanggap na ng parangal para sa kabilang trabaho. Ang Thy Womb ay isa lamang patunay ng kanilang kagalingan.

Sorry ng model na nambastos sa Superstar kulang

Isang malaking pambabastos nga naman kung totoong inilagay ng isang modelo sa mukha ng isa niyang larawan na naka-bra at panty lamang ang mukha ni Nora Aunor. Kahit ano pa ang dahilan niya, mabuti man o masama.

Isang icon na pinapahalagahan at tinitingala ng maraming Pilipino ang Superstar. Para gawin ng modelo ang ginawa niya ay isang pagyurak sa dangal ng award-winning singer-actress. Hindi ako nagtaka sa reaksiyon ng mga Noranian. Hindi sapat ang “sorry” para maabsuwelto siya sa kasalanan niya.

I Do Bidoo... hindi nasulot

ang fans ng horror films

Magtataka pa ba naman ako kung bakit hindi ganun karami ang nanood ng I Do Bidoo Bidoo: Heto na nAPO Sila eh natiyempo kasi ang pagpapalabas nito sa nagsisimula ng kagiliwan ng mga Pinoy na horror films? Ewan ko ba pero parang nai-entertain tayo na matakot sa mga pinanonood natin sa sinehan.

Kahit ako, gusto ko ng horror films. Mas nakakatakot, mas nagugustuhan ko. Pero in fairness na-enjoy ko ang I Do Bidoo... Akala ko mai-enjoy din ito ng lahat pero hindi pala.

Sayang kung hindi nila ito napanood, marami silang na-miss. If only from the soundtrack, ang gaganda ng songs ng APO Hiking Society. Idagdag mo pa ang magagaling na performances ng cast, talagang winner ang movie.                                   

Mrs. Jolo Revilla hinahanap

Kaya naman pala hindi aktibo sa kanyang pag-aartista si Jolo Revilla ay dahil abala ito sa pulitika. Kakandidato pala itong vice governor. Walang masama lalo’t nakapagtrabaho siya ng maganda sa kanyang lugar. Talagang susuportahan siya ng tao. Malaking tulong ang mga magulang niya’t kaanak na mga mahuhusay na lingkod bayan din.

Asawa na lang ang kulang kay Jolo. Kailangan niya ng isang kaagapay na tutulong sa kanya at magbibigay ng inspirasyon. May blessing na siya ng kanyang parents. Sino kaya ang magiging mapalad na maging Mrs. Jolo Revilla?

Show comments