Michael V. utak ng Pepito kaya doble-doble ang TF
MANILA, Philippines – Mapapanood na sa Sept. 16, Linggo, ang pagbabalik ng kinagigiliwang pamilya sa telebisyon - ang Pepito Manaloto. Siyempre, bida pa rin sa well-loved heart-warming original family sitcom na ito ang Asian TV best comedy actor recipient na si Michael V. bilang Pepito Manaloto. Kasama pa rin sina Manilyn Reynes bilang ang asawang si Elsa Manaloto at ang mga anak na sina Angel Satsumi sa papel na Clarissa Manaloto at Jake Vargas bilang Chito Manaloto.
Kabilang sa all-star cast ay sina John Feir (Patrick), Ronnie Henares (Tommy), Mosang (Baby), Janna Dominguez (Maria), at Arthur Solinap (Robert). At ang mga bagong karakter na makikigulo sa buhay ng pamilya Manaloto ay sina Jessa Zaragoza na gaganap na Deedee at Nova Villa bilang si Mimi.
Ang rags to riches ay kuwento ni Pepito Manaloto at ng kanyang pamilya ay ginawang TV show ng isang TV network, subalit hindi nila ito ipinalabas nang makita ng pamilya na hindi ito makatotohanan. Sa halip ay naisip nilang ipakita ang tunay na nangyayari sa bahay ng mga Manaloto sa pamamagitan nang pag-film sa kanilang buhay ng isang camera crew nang buong araw at buong linggo.
Ang merry-mix ng mga karakter ng mag-asawang Pepito at Elsa; ang mga anak nilang si Chito at Clarissa; ang mga kasambahay nilang sina Patrick, Maria, Robert, at Baby; ang raketerong kapitbahay na si Tommy, at pati na rin ang mag-inang kapitbahay na sina Deedee at Mimi ang magpapasarap ng tunay na kuwento ni Pepito Manaloto.
Anyway, bukod sa pagiging bida ni Michael V., siya rin ang head writer at creative consultant. So ibig sabihin malaki ang kinikita ng komedyante sa programa bilang siya ang utak nito? Pero ayon naman kay Ms. Marivin Arayata, vice president for entertainment, tinatawad-tawaran naman nila ang talent fee nito kaya keri naman.
Yeng, Raimund, at Pochoy nagsanib-puwersa
Katambal ng ABS-CBN ang tatlo sa pinakamatatagumpay na musikero sa bansa sa kampanya ng Bayan Mo, iPatrol Mo: Tayo Na na nananawagan para sa pagkakaisa ng mga Pilipino para sa isang malinis na halalan.
Inawit nina Yeng Constantino, Pochoy Labog, at Raimund Marasigan, ang awiting Tayo Na na tampok sa isang music video na unang natunghayan ng publiko nung Sept. 5 ng gabi sa Studio 23, ANC, DZMM TeleRadyo, at ABS-CBN.
Isa si Raimund sa mga umawit ng Ako ang Simula, ang Bayan Mo, iPatrol Mo (BMPM) campaign theme song noong 2010 at ngayo’y ipinagpapatuloy ang paggamit ng musika at impluwensiya para sumali at sumanib sa kampanya.
Ikinararangal namang pareho nina Yeng at Pochoy, isa pang abogado at isa sa mga anchor ng current affairs program na Ako ang Simula, na magamit bilang instrumento para mahikayat ang ating mga kababayan na mas maging matatalinong botante.
Nakibahagi rin sa music video ang mga Bayan Patroller na nagmula pa sa iba’t ibang probinsiya.
Tungkol sa paninindigang magkaisa ang awiting isinulat ni Ira Zabat ng ABS-CBN Creative Communications Management at nilikha ni Eric Perlas.
Pagsasanib ng liwanag naman ang konsepto ng music video ayon kay Ira, na isa rin sa mga bumuo nito.
“Ito ang liwanag na dala ng kabataan, ang liwanag ng cell phone, camera, at computer na hawak nila, at ang kapangyarihan ng social media na makapaghatid ng pag-asa at pagbabago sa darating na halalan,” aniya.
Ang Bayan Mo, iPatrol Mo: Tayo Na Music Video ay nilikha ng ABS-CBN Creative Communications Management na pinamamahalaan ni Robert Labayen para sa ABS-CBN News & Current Affairs na pinamumunuan ni Ging Reyes kasama sina Chi Almario at Inday Varona. Ang creative team ay binubuo nina Ira Zabat, Faith Zambrano, Pamela Joy Mercado, Love Rose de Leon, Eric Po, Marchie Blaire Mallari, Christine Joy Laxamana, Carisa Manuel, Miguel Lim, Peewee Gonzales, Rommel Sales, Dennis Amarille, Rap Dela Rea, Alfie Landayan, Carmelo Saliendra, Marl Abejero, Jimmy Porca, Darwin Duenas, Andrew Go, Remedios Sotto, Tess Perez-Mendoza, at Arlene Geronimo.
Para mapanood ang buong music video, bisitahin lang ang www.youtube.com/ABSCBNOnline.
- Latest