PIK: Star-studded ang premiere night ng pelikulang Captive ni Direk Brillante Mendoza na ginanap sa Cinema 2 ng Greenbelt 3 nung isang gabi.
Bukod sa main cast ng pelikula, dumalo rin sina Dennis Trillo, Coco Martin, Eguene Domingo, at si John Lapus. Pati si US Ambassador Harry Thomas ay nakisuporta rin sa obrang ito ng award-winning director.
Maganda ang feedback sa pelikula at sana nga ay suportahan ito ng publiko dahil ito pa lang ang pelikula ni Direk Brillante na mapapanood sa commercial theaters.
Kinabukasan ay tumulak na ang magaling na director sa Venice para sa pelikula niyang Thy Womb na kalahok sa Venice International Film Festival.
Kasama rin pa-Venice sina Nora Aunor at Mercedes Cabral.
PAK: Kuwelang-kuwala si Pen Medina sa press conference ng bagong telefantasya ng GMA 7 na Aso ni San Roque.
Siya ang gumanap na si Mang Ben, ang matandang bading na dapat ay para kay Eddie Garcia.
Biglang nagpapalit si Eddie dahil na-ospital ito at kailangan niyang magpahinga.
Hindi na nagawa ni Pen na tumawag kay Manoy para ipagpaalam ito dahil nag-cramming na siya. Nung sinabihan siya na gawin ang project na iyon, kinabukasan na agad ang taping kaya nataranta ang magaling na aktor. Pinagsama-sama na lang niya ang iba’t ibang arte ng mga kaibigan niyang bading na lumabas namang nakakatuwa.
Tiyak na itong karakter ni Pen ang isa sa magugustuhan ng mga manonood. Abangan ang pagsisimula nitong telefantasya sa GMA Telebabad sa Lunes, Sept. 10.
BOOM: Sobrang nag-alala si Kuya Boy Abunda sa lalawigan niya sa Borongan, Samar na epicenter pala ng malakas na lindol na yumanig nung nakaraang Biyernes.
Ang kapatid niyang si Mayor Ma. Fe Abunda ang alkalde ng Borongan at gusto sana niyang tulungan sa pag-asikaso sa mga nasalanta roon.
At meron na namang namumuong bagyo sa probinsiya nila na hindi na ikinagulat ni Kuya Boy dahil lagi naman ang lugar nila ang madalas na sumasalo ng bagyong dumarating.
Kaya patuloy ding humihingi ng dasal si Kuya Boy para sa mga kamag-anak at mga kababayan niya sa Borongan.
Ang pagkakaalam namin, may mga mga proyektong sinimulan si Kuya Boy doon. Paghahanda na kaya ito sa 2016 elections?