Baka hindi na rin magtagal at mag-aasawa na si Christian Bautista. Seryoso na ang relasyon nila ng kanyang Singaporean girlfriend. Kahit sa mga showbiz function ay isinasama niya ito. At kita ng lahat ang kanilang closeness and sweetness.
Hindi na rin naman maaapektuhan ang career ni Christian kung pakakasalan niya ang nobya. Dumating na siya sa puntong kahit na ano ang estado niya sa buhay ay tatanggapin pa rin siya ng mga tagahanga niya. He has come full circle pagdating sa kanyang career as a singer. Gusto naman niya ay mga acting role at baka kapag naibigay ito sa kanya ng ABS-CBN ay hindi na siya lumipat.
Sa ngayon ay urong-sulong siya sa alok sa kanya ng GMA 7. Ipinamamahala na niya sa kanyang manager ang pagpapasya tungkol dito.
MMK humakot na naman ng international awards
’Yung episode na Kamao na napanood kagabi sa dalawang dekada nang namamayaning drama anthology ng ABS-CBN na Maalaala Mo Kaya (MMK) ay nagwagi ng TV Special Jury Award sa katatapos na Seoul International Drama Awards 2012. Tungkol sa isang underground boxer na inabot ng maraming hirap para mairaos lamang ang kanyang pagkahilig sa pagboboksing at pinagkakakitaan. Ginampanan nina Coco Martin at Jodi Sta. Maria ang dalawang pangunahing tauhan sa nasabing kuwento.
Samantala, finalist naman sa Asia Pacific Broadcasting Union (ABU) ang isa pang episode sa MMK na kinatampukan naman ni Sharlene San Pedro. Sa Oct. 16 pa malalaman kung alin sa mga entry mula sa atin, Bhutan, Vietnam, Indonesia, at Malaysia ang magwawagi.
Ang kuwento ng episode ni Sharlene na pinamagatang T-Shirt ay tungkol sa isang kabataang babae na paulit-ulit na ni-rape ng kanyang employer. Nagbuntis ito at nakita ang hirap na pinagdaanan niya sa kanilang kuwento bilang isang batang ina.
Ang mga kuwento sa MMK ay mga totoong kuwento ng buhay ng maraming tao na ipinadadala sa pamamagitan ng sulat o ikinukuwento na lamang sa mga writer ng show. Lahat ng mga may kuwento ay ipinakikita sa hulihan ng palabas, marami ang nakatago ang mukha para sila maproteksiyunan. Marami rin ang pumapayag na ipakita ang kanilang mga mukha at nakakalabas pa sa serye bilang sila.
Alice natagalan bago naging komportable kay BB
Hindi unang pagsasama nina Alice Dixson at BB Gandanghari ang Enchanted Garden. Nagkatambal na rin sila sa isang pelikula nung 1999, ang Minsan May Isang Pamilya. Mag-asawa ang role nila dahil si BB ay si Rustom Padilla pa noon. Kaya hindi naging madali ang naging pagtanggap ng aktres sa bagong katauhan ng Kapatid sa TV5.
“Pero sa umpisa lang. Nang magtagal-tagal ay nawala rin ang ilangan at bumalik ang pagiging komportable namin sa isa’t isa,” sabi ng aktres na kinakailangang bumalik ng Canada para i-renew ang kanyang citizenship.
Matagal din siyang namalagi ng bansa sa rami ng offers. May maiiwan siyang trabaho sa TV at maging sa pelikula kaya makakaasa ang lahat sa mabilis na pagbabalik niya.