MANILA, Philippines - Maraming dahilan kung bakit dapat nating ikarangal ang ating bansang Pilipinas. Di lang dahil sa 7,107 isla nito kundi pati na ang ating mga kababayang naglalagay sa bansa sa mapa sa iba-ibang larangan.
Tutok lang sa GMA News TV sa programang Life and Style with Ricky Reyes ngayong Sabado alas-onse ng umaga dahil papasyal tayo sa mga nangungunang tourist attraction sa Pinas. Ipakikita rin ng host-producer na si Mader Ricky ang mga produktong inaangkat ng mga negosyante sa ibayong dagat at nagpapalago ng ating ekonomiya.
Sa magkaibang interbyu ay itatampok sina Eugene Domingo at Joseph Bitangcol na itinuturing na dalawa sa mahuhusay sa acting ng kanilang henerasyon.
Ginagampanan ni Uge ang papel ni Nora Aunor sa multi-awarded na Bona ni Lino Broca. Itinatanghal ito sa teatro na prodyus ng PETA hanggang Setyembre 22. Ikukuwento ng premyadong komedyana ang karanasan sa nasabing palabas. “Kung nagdrama si Ate Guy, as usual, nagpatawa ako,” sey ni Uge.
Magkukuwento rin si Joseph sa pagganap niya bilang batang Jose Rizal sa indie film na Bayaning Pepe kung saan pinatunayan niyang hindi lang siya isang pretty face sa pelikula kundi epektibo ring aktor.
“Dapat nating isa-isip at isa-puso ang pasasalamat kay Lord sa pagbibigay sa atin ng isang bansang angat sa iba at mga talentong nagbibigay-dangal sa ating lahat,” sabi ni Mader RR.
Lahat ng ito at marami pang panoorin ang hatid sa inyo ngayong Sabado ng LSWRR na prodyus ng ScriptoVision.