MANILA, Philippines - Isa sa mga magagaling na batang aktor ng GMA Artist Center ay si Dominic Roco. Sa wakas ay nabigyan na rin ng karapat-dapat niyang break ang isa sa kambal na anak ni Bembol Roco.
Puring-puri ng mga kritiko at ordinaryong manonood ang kanyang pagbibida sa love story-drama, isang Cinemalaya entry, na Ang Nawawala.
Ang pelikula ay hinggil sa teenager na si Gibson Bonifacio na naging “pipi” dahil sa isang masamang karanasan. Sinusuyod ng pelikula ang lokal na indie music scene, ang sining ng dalawang taong nagkagustuhan, at ang “pagkabuhay” na muli.
Kahit paano, nakaka-relate si Dominic sa kanyang karaker dahil sa totoong buhay ay silent type siya. Sa una ay inakala niyang madali lang pero naging taliwas sa inaasahan niya ang unang taping day. Para sa kanya, ito ang pinaka-mapaghamong papel na kanyang ginampanan sa kanyang career.
“Ang hirap pala ng hindi nagsasalita,” patungkol ni Dominic sa kanyang papel bilang Gibson.
Dahil hindi siya nagsasalita, lahat ay kailangang ihayag sa pamamagitan ng paralanguage.
Bukod sa hirap ng kanyang pagbibida sa indie film na magkakaroon ng commercial run sa Sept. 12, medyo naging pressure rin kay Dominic ang makasama sa pelikula ang mga beteranong aktor na sina Dawn Zulueta at Boboy Garovillo. Kasama rin sa pelikula ang kakambal niyang si Felix Roco sa idinirek ni Marie Jamora.