Pasasalamat sa mga tumulong sa 'Buhos Ng Pagmamahal'

MANILA, Philippines - Matutunghayan ngayong Sabado alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga sa GMA News TV sa prog­ramang Life and Style With Ricky Reyes ang ikalawang yugto ng hot food feeding nina Mader Ricky Reyes at mga volunteer ng proyektong Buhos ng Pagmamahal.

Namahagi ng pagkain sina Mader, mga Gandang RR salon managers, Fil-Hair officers and members at mga kaibigang may ginintuang puso sa Muntinglupa, Pasay at Caloocan.  

Sa show ay ipakikilala rin ang mga staff na ‘di alintana ang pagod at hirap mula sa pagplaplano, paghahanda ng pagkain at pagpapakain sa mga biktima ng bagyong Gener at hanging habagat na nanunuluyan sa mga evacuation centers.

Pasasalamatan din ang mga donors ng cash at pagkain sa nabanggit na mga lugar.  Sa mga footages na ipapalabas ay mapapatunayang muli kung gaano katapang ang mga Pinoy sa panahon ng kalamidad, ang pagtutulungan at pagbibigayan sa isa’t isa.  Gayundin sa pananalig sa Diyos at paniniwalang pagkatapos ng unos ay sisikat din ang araw.

Ang Life and Style ay produksyon ng ScriptoVision.

 Nasa larawan si Mader Ricky kasama ang ilang Buhos volunteers.  Sa mga ngiti nila’y di mo iisiping maghapon silang nabilad sa init ng araw at nangalay ang katawan sa pamimigay ng pagkain.

Show comments