Buhay ni Sec. Robredo puwedeng-puwede sa pelikula!

Naglalabasan na ang mga inspiring story tungkol sa pagiging simple ni DILG Secretary Jesse Robredo na hinahangaan ng mga tao, artista man o hindi.

Nakabibilib ang kuwento ng isang kaibigan ni Secretary Robredo tungkol sa pagsakay nito ng bus sa tuwing umuuwi siya ng Bicol. Kakaiba siya ‘di ba? Puwedeng-puwede siyang gumamit ng sasakyan bilang DILG Secretary siya pero talagang sumasakay siya sa bus.

Na-confirm ang kuwento tungkol sa pagsakay sa bus ng Robredo Family kapag umuuwi sila sa probinsya dahil sa interbyu sa panganay na anak ni Sec. Robredo. Ikinuwento ni Aika ang last communication nila ng kanyang ama. Itinanong ni Aika sa tatay niya ang oras ng departure ng bus na sasakyan niya, pauwi sa Bicol.  Sumagot si Sec. Robredo na 9:00 p.m. ang alis ng bus sa terminal kaya dapat umalis ng condo si Aika ng 8:00 p.m. para hindi siya matrapik.

Babae ang anak ni Sec. Robredo at may mataas na posisyon sa gobyerno ang kanyang ama. Can afford siya na mag-demand ng special treatment pero dahil simple lang ang kanilang pamumuhay at maayos ang pagpapalaki sa kanila, hindi sila spoiled brat tulad ng ibang anak ng mga pulitiko.

Sa ganda ng life story ni Sec. Robredo, hindi imposible na may movie producer na makaisip na gumawa ng kanyang film bio.

Hindi naman kailangan na maaksiyon ang buhay ng isang tao para maging cinematic ang kanyang life story ‘no! Maraming mga pelikula na hango sa tunay na buhay ang maganda ang message at kapupulutan ng aral dahil inspiring ang kuwento tungkol sa bida. Walang violence, action scenes, at kung anik-anik na kadramahan.

Sam at Tippy, napansin sa I Do...

Naka-smile na lumabas ng sinehan ang mga nanood kahapon ng special screening ng I Do Bidoo Bidoo dahil nagustuhan nila ang ubod saya na pelikula ng Unitel Productions at Studio 5.

Dahil nagustuhan ng lahat ang I Do Bidoo Bidoo, asahan natin na magiging maganda ang resulta sa box office ng pet project ni Tony Gloria.

Magbabago na ang paningin ng mga tao kay Sam Concepcion dahil pinatunayan niya sa pelikula na ready na siya sa mature roles at hindi lamang pagpapakilig sa fans ang kanyang nagagawa.

Mapapansin na rin ang acting at singing talent ni Tippy Dos Santos na malaki ang dapat ipagpasalamat sa Unitel Productions dahil sa big break na ibinigay sa kanya.

Gladys nagpapadede pa sa dalawang taong anak

Totoo ang sinabi ni Gladys Reyes na hanggang ngayon, pinapadede pa rin niya ang bunsong anak nila ni Christopher Roxas kahit two-years old na ang bagets.

Naniniwala si Gladys sa magandang resulta ng breastfeeding kaya hindi pa niya itinitigil ang pagpapadede sa bagets.

Sina Gladys at Christopher ang mga guest kahapon ni Kris Aquino sa Kris TV. Muntik nang ma-late ang magdyowa dahil nag-breastfeed pa si Gladys sa kanyang bunso.

Show comments