Manila, Philippines - Isang monumento o rebulto ang itatayo at pasisinayaan ng Manila City para sa yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino na si Fernando Poe, Jr. (FPJ) sa buwan ng Disyembre.
Ayon kay Manila Mayor Alfredo Lim, bago matapos ang taon ay isang monumento para kay Da King ang itatayo nila sa Roxas Boulevard bilang pagpaparangal at pagkilala sa pagiging tunay at sinserong kakampi nito ng masa.
Paliwanag ng alkalde, ang lugar na napili ay bilang pagkilala rin sa pagiging Amerikana ng ina ni Da King.
Ang pahayag ni Lim ay ginawa matapos nitong pangunahan ang paggunita sa ika-73 taong birth anniversary ni FPJ, sa Manila North Cemetery, kasama ang mga tagasuporta at pamilya Poe.
Regular na pinaparangalan ni Lim si Da King sa pamamagitan nang pagdaraos ng misa sa kanyang puntod sa tuwing sumasapit ang birth at death anniversary nito, bilang pagpapakita ng suporta sa kanya at sa naiwang legacy.
Nagkakaroon rin ng wreath-laying activity at pagtitirik ng kandila sa paanan ng kanyang puntod.
Kaugnay nito, pinasalamatan din ng Manila mayor ang pamahalaan dahil sa bagong proklamasyon kay FPJ bilang isang National Artist na malugod na tinanggap ng mag-ina nitong sina Susan Roces at Grace Poe-Llamanzares.