Anak ni AiAi inapi-api ng madrasta!

PIK: Bukod sa martial arts na natutunan ni Rocco Nacino para sa pelikulang Lam-Ang, magaling na rin pala ito ngayon sa pole dancing.

Magpapakitang-gilas ang Kapuso hunk sa pole dancing na mapapanood ito sa H.O.T TV mamayang hapon.

Isa lamang ito sa aabangan sa bagong talk show sa GMA 7 at meron pang mga kababalaghang ibabahagi ng isang nurse na kung saan nasaksihan nito ang pagkuha ng isang “sundo” sa isang kaluluwa.

PAK: Si Jose Manalo pa raw ang tumanggi na makahalikan si Solenn Heussaff sa pelikula nilang Ikaw Na, Da Best Ka! ng APT Films.

Si Solenn ang leading lady dito ni Jose at meron silang eksenang pupupugin ito ng halik ni Solenn pero pagdating sa labi ay biglang umiwas si Jose at itinulak ang ulo ng seksing aktres.

 “Meron talaga pero sabi ko huwag na lang. Mas nakakatawa kasing tingnan na ang isang magandang babae ang naghahabol na gusto kang halikan. Pero ang galing ni Solenn, hindi mo iisipin na kalog pala siya,” kuwento ni Jose.

Sa totoo lang, nailang talaga siyang makahalikan si Solenn dahil parang alangan daw talaga sa kanya na makipaghalikan sa kanya ang isang napakaganda at napakaseksing aktres.

Kasama rito ni Jose si Wally Bayola na si Pokwang naman ang leading lady. Pero suportado sila rito ng mga big star na pinangungunahan nina Vic Sotto, Michael V., Eddie Garcia, Aljur Abrenica, at Maricel Soriano.

BOOM: Babalik na mula Amerika ang anak ni AiAi delas Alas dahil sa hindi na nito diumano nakayanan ang trato sa kanya ng kanyang madrasta.

Matagal nang hiwalay si AiAi sa kanyang ex na si Miguel Vera na nasa Amerika na at may iba ngang karelasyon.

Magkaibigan naman silang dalawa kaya pumayag itong doon na muna sa Amerika ang kanilang anak.

Pero nakarating na sa kanya na hindi nga maganda ang pakikitungo sa kanyang anak ng madrasta nito kaya pinabalik na lang niya ito ng bansa.

Sabi na lang ng daw ng anak ni AiAi na mabuti raw at mayaman ang mommy niya kaya gusto niyang dito na lang sa Pilipinas manirahan at hindi sa Amerika kasama ang kanyang ama.

Show comments