RR namigay ng maiinit na pagkain!

MANILA, Philippines - Nakaranas ang mga mamamayan ng Metro Manila kamakailan ng isang kalamidad na sanhi ng malakas na ulan at hanging hatid ng southwest monsoon na kakabit ng bagyong si Haikui.

Ito ay tinatayang mas mabagsik kesa sa bagyong Ondoy nung 2009 dahil ayon sa NDRRMC (National Risk Reduction and Management Council) ay 92 tao ang namatay na karamiha’y nakatira sa mga lugar na malapit sa mga ilog at biktima ng pagbaha. 

Sa Life and Style with Ricky Reyes ng GMA News TV ngayong Sabado, alas diyes ng umaga, ay matutunghayan si Mader Ricky Reyes kasama ang mga manager at tauhan ng Gandang RR Salon at mga may ginintuang puso na mga kaibigan sa pamamahagi nila ng mga maiinit na pagkain sa mga biktima ng habagat na tumitigil sa mga evacua­tion center sa Brgy. Concepcion sa Marikina City at Brgy. San Perfecto at Brgy. Salapan ng San Juan City. Ito’y unang araw ng dakilang misyon na “hot soup station” na ang outreach program ay tinawag na “Buhos ng Pagmamahal (Nanlalamig, Kumakalam ang Sikmura, May Kasama Ka).”

Sa ikalawang araw ng misyo’y mga tao sa ilang barangay sa Pasong Tamo, Makati City, Brgy. Salapan ng Quezon City, at Brgy. San Joaquin at Brgy. Kalawaan ng Pasig City ang pinakain ng tropa.

Sa susunod na Sabado, itatampok ang pagdalaw nina Mader sa Muntinglupa, Pasay, at Caloocan sa ikatlo at ika-apat na araw ng taos-puso nilang pagtulong sa mga kaawa-awang

kababayan.

Show comments