Heart sinuplayan din ng ulam ang lamay ng magiging 'father in law' sana!
MANILA, Philippines - Bukod pala sa pagbababad ni Heart Evagelista sa lamay ni Rep. Salvador Escudero III na nadala na sa Bicol ang labi the other night, panay din ang padala nito ng pagkain sa tatlong gabing lamay ng ama ni Sen. Chiz Escudero sa Mt. Carmel, Quezon City. ‘Yup mga ulam na galing sa kanilang restaurant na Barrio Fiesta.
Pero wala talagang gustong magsalita tungkol sa status ng kanilang relasyon.
At kung gabi-gabi si Heart sa lamay sa Mt. Carmel bago dinala sa Bicol ang namayapang si Cong. Escudero, gabi-gabi rin din daw doon ang ex wife ni Sen. Chiz na si Christine na madalas nang makitang kasama ang bagong boyfriend.
National Artist award ni FPJ tinanggap na ni Susan Roces
Finally, iginawad na sa yumaong Fernando Poe Jr. (Ronald Allan K. Poe) ang National Artist Award ng Sining sa Pelikula ni Pangulong Benigno S. Aquino III sa isang seremonya sa Malacañang kahapon.
Tinanggap ng magaling na aktres at kanyang biyuda na si Susan Roces at anak na si Mary Grace Poe-Llamanzares (MTRCB chairwoman) ang nasabing parangal.
Binigyang diin ng Pangulo hindi lamang ang mahalagang ambag ni Poe, Jr. sa industriya ng pelikula, kundi sa pagiging ulirang halimbawa sa pakikisama at kabutihan sa kapwa tao ang naging basehan para ito parangalan.
“Sino po bang Pilipino ang hindi nakakikilala kay FPJ? O sino po sa atin ang hindi pa nakapapanood ng kanyang mga pelikula? Kakabit na ng pelikulang Pilipino ang kanyang pangalan at hindi matatawaran ang kontribusyon niya hindi lamang sa pinilakang tabing, kundi pati na rin sa kalakhang lipunan. At higit sa pagiging aktor, higit sa pagiging manunulat, prodyuser at direktor, isa siyang Pilipinong mapagpakumbaba, mapagmalasakit at matulungin sa kapwa,” sabi ni P-Noy sa kanyang speech kahapon.
“Ganitong prinsipyo nga po marahil ang isinabuhay ni Ronald Allan K. Poe, na mas kilala bilang FPJ, kaya naging matingkad ang kanyang karera at nagmistulang alamat ang buhay niyang inilaan sa pagsusulong ng industriya ng pelikula at kapakanan ng bansa,” dagdag nito.
Kahanay na ni FPJ sa iba pang National Artist for Cinema sina direktor Lamberto Avellana, Ishmael Bernal, Eddie Romero at Lino Brocka.
Si FPJ ay isa sa nagtatag ng Movie Workers Welfare Fund (Mowelfund) at naging prodyuser, direktor at bida sa mahigit na 200 pelikula.
Ilan sa mga sumikat niyang pelikula ay ang Ang Probinsiyano, Eseng ng Tundo. Alamat ng Lawin at Ang Panday.
“Sa paggagawad natin kay FPJ ng titulong Pambansang Alagad ng Sining, nawa’y libu-libo pang tulad niya ang umusbong at gamitin ang husay at talino upang iangat ang kapwa Pilipino. Dahil sa pagtutulungan, pihadong mapapasakamay natin ang tagumpay ilang butas man ng karayom ang ating daanan,” dagdag ng Pangulo.
Halos anim na taon nang namaalam si FPJ.
So ibig sabihin, matagal pa rin ang hihintayin ni Dolphy bago rin siya magawaran ng National Artist Award.
- Latest