Kay director Jun Lana namin unang nalamang sa September 5, ang commercial release ng pelikula niyang Bwakaw nang makita namin siya sa premiere night ng Just One Summer. That time, hindi pa siguro nito alam na i-screen sa Toronto International Film Festival ang sinulat, dinirehe at prinodyus niyang pelikula sa tulong ng APT Entertainment ni Mr. Tony Tuviera.
Nakakaintriga ang commercial run ng Bwakaw dahil ang Star Cinema ang magre-release, eh si direk Jun taga-GMA 7, ang co-producer ng movie na si Perci Intalan ay taga-TV5, ang mga bidang si Princess (ang aso) at Eddie Garcia ay may show sa GMA 7.
Mag-promote kaya sina direk Jun at Eddie sa ABS-CBN?
Nauna raw ang Regal Entertainment na magpakita ng interes na i-release ang Bwakaw, ano kaya ang nangyari at ang Star Cinema na ang magre-release nito?
Magsisimula ang commercial run ng Mga Mumunting Lihim sa August 22 at ang OctorArts Films na tumulong din kay direk Joey Reyes na matapos ang pelikula ang magre-release. Less na ang kaba ng director kumpara noong Cinemalaya time dahil hindi alam kung paano tatanggapin ang pelikula about friendship.
“Very big adrenalin shot” para kay direk Joey ang success ng movie sa Cinemalaya at na-encourage siya to do more indie films at gumagawa na rin siya ng documentary. “Sobrang inspired” ang state of mind ng director ngayon.
Inulit ni direk Joey ang pasasalamat kina Judy Ann Santos, Iza Calzado, Agot Isidro, at Janice de Belen na ginawa ang Mga Mumunting Lihim ng walang talent fee.
Supporting cast at staff lang ang binayaran niya at puro ex-deal ang location.
Wala pang definite project na binanggit si direk Joey, nag-promote lang ng talk show niyang Talkies Movies sa AKTV, Friday, 7:00 p.m., at ang plano to put up a school for writing films and TV na hindi impluwensiya ng TV networks.
Edgar Allan inconsistent!
Tantiya ni Edgar Allan Guzman, umabot ng one minute ang kissing scene nila ni Eugene Domingo sa Bona at kahit walang ilaw, tuloy pa rin ang paghalik niya sa aktres dahil nadala raw siya. ‘Kaloka lang dahil kinontra ni Eugene ang sinabi ni Edgar na matamis at masarap ang labi ng aktres, lasang mint daw sila pareho dahil nag-gurgle ng mouthwash na mint ang flavor.
Happy at honored si Edgar na kinuha siya ng PETA para ipareha kay Eugene sa stage adaptation ng klasik movie ni Nora Aunor na Bona kapareha si Phillip Salvador.
First time niya sa PETA at excited muling makatrabaho si Eugene at maidirek ni Soxie Topacio kahit 160 pages ng script ang minemorya for two months.
Handa na si Edgar sa press night sa August 23, at sa regular run starting sa Aug. 24 hanggang September 23 sa PETA Theater. Ang takot lang nito, nako-conscious siya pero sa tulong nina direk Soxie at Eugene na tinuturuan siya ng blocking, magagawa niya ng tama ang karakter ni Gino Sanchez.
Napansin pala naming medyo na-off si Edgar nang tanungin sa kakulangan niya ng consistency, the same reason na sinasabi ng iba kung bakit kahit magagandang projects ang dumarating sa kanya kabilang ang role sa Enchanted Garden, parang kulang pa rin. Sa MMFF nga, bida siya sa Pedrong Walang Takot episode ng mga Kuwento ni Lola Basyang ng Unitel Productions.
“Hindi naman sa ‘di ako consistent, focus naman ako sa work, siguro, marami pa akong puwedeng pag-aralan para mas umangat ako. Handa akong harapin ang challenge na ‘yun,” wika ni Edgar.
Lexi naghihintay na ng launching project
May special participation si Lexi Fernandez sa Just One Summer bilang girlash na may type sa karakter ni Elmo Magalona, pero dinidedma naman siya. Two to three scenes lang yata ang eksena ni Lexi, pero okay na ito sa kanya. Basta masaya siyang napasama sa launching movie nina Elmo at Julie Anne San Jose.
Next soap ni Lexi ang Magdalena na launching project ng pinsan niyang si Bela Padilla. Hindi pa niya alam ang kanyang role dahil wala pang storycon at ‘di pa alam kung may makakapareha siya. Happy siya kay Bela at umaasang malapit na rin siyang i-launch ng GMA7.