Elmo at Julie Ann umiiyak habang naghahalikan!
Mukhang naka-jackpot ang GMA Kapuso Network sa pagbibigay ng maagang launching movie sa magka-love team na Elmo Magalona at Julie Ann San Jose. Nakitaan naman ang dalawa ng chemistry at marami ang kinilig sa kanila.
Palabas sa mga sinehan ngayong araw na ito ang Just One Summer and, in fairness to both young actors, nakapag-deliver naman sila. Believable naman ang pagiging in love sa isa’t isa ng mga character nilang sina Nyel at Beto, dalawang kabataan na nabibilang sa magkaibang estado sa lipunan pero nakatagpo ng pag-ibig during one summer.
Nakita sa pelikula ang resulta ng dalawang taong pagiging magkaibigan ng dalawa. Both were honest enough to say na kailangan nilang magkaro’n ng emotional involvement sa isa’t isa, kahit magkaibigan lang sila at hindi totoong nagliligawan.
“Wala akong problema sa kanilang dalawa. Tahimik lang nilang hinihintay na makunan ang mga eksena nila. Never ko silang narinig na nagreklamo. Pero pinatunayan nila sa akin at patutunayan nila sa kanilang movie na malaki ang potensiyal nila for superstardom at meron silang talentong umarte,” sabi ng direktor nila sa film na si Mac Alejandre.
Maski nga nung kinunan ang kissing scene nila ay hindi kinakitaan ng pagkailang ang dalawa. At umiiyak sila habang naghahalikan. Ni hindi nila kinailangang ulitin ang eksena dahil nagawa nilang maganda ang eksena sa first take pa lamang.
“Magaling kasi akong humalik,” pagmamalaki ni Elmo na bagama’t nag-effort umarte ay mina-mani lamang ang pagkanta. Sila ni Julie Ann ang personal na kumanta ng mga awitin sa soundtrack ng Just One Summer.
Maganda ang kontribusyon ng support cast para mas mapaganda ang movie. Tulad nina Alice Dixson at Joel Torre na gumaganap bilang magkahiwalay na magulang ni Elmo, Cherry Pie Picache, ang mabait at lovable lover ni Joel, Buboy Garovillo at Gloria Romero bilang ama at lola ni Julie Ann.
Trailer ng Tiktik nakakatakot
Humanga ang SRO audience ng Just One Summer sa trailer ng Tiktik: The Aswang Chronicle, isang horror film na nagtatampok kay Dingdong Dantes at prodyus ng film outfit ng anak ni Mother Lily Monteverde.
Bago pa nalaman ng audience na dinidirek ’yun ni Erik Matti ay umugong na ang sinehan sa ingay na nilikha ng mga manonood na hindi na nagtaka when the name of the director was flashed sa screen. Espesyalidad daw ni Matti ang horror film kaya hindi nakapagtataka kung mapapaganda niya ang Tiktik na maski si Dingdong Dantes ay all praises dito.
Aileen Papin nag-abroad pagkatapos ng benefit concert, beneficiaries iniwang bigla
May dahilan naman pala para magalit ang ilang mga movie press na ginawang beneficiaries ni Aileen Papin sa isang fund-raising concert na ginawa niya. Hindi niya ipinagpaalam sa mga movie reporter ang paglalagay niya ng mga pangalan ng lima na bibigyan ng benefits sa mga ibinentang tiket at poster para sa show. Nadagdagan pa ang galit nila nang pagkatapos ng charity show ay bigla na lamang nawala ang singer nang hindi man lamang sila kinakausap.
Sa isang pakikipag-usap kay Aileen, napag-alaman ko na may tinatapos itong commitment sa abroad at sa susunod na buwan pa babalik. Pero sinabi nito makikipag-ayos siya sa mga benepisyaryo niya. Humihingi siya ng paumanhin dahil sa pagmamadali niyang hindi magahol sa kanyang commitment ay kinailangan niya silang iwan. Gusto niya silang tawagan sa telepono pero naisip niya na mas mabuti kung personal niya silang makausap pagbabalik niya. Sa ngayon, ipinaabot niya sa kanila ang kanyang paghingi ng sorry.
- Latest