Ama ni Bea na hindi na nagpapakita, namakyaw ng album ng anak

PIK: Ang bagong love team na sina Mikael Daez at Andrea Torres ang ilan sa mga sumuporta sa premiere night ng Just One Summer na ginanap sa Cinema 9 ng SM Megamall nung isang gabi.

Excited silang ikinuwento sa amin na magsisimula na silang mag-taping ng afternoon drama nilang Sana’y Ikaw na Nga.

Katatapos lang nilang mag-pictorial at medyo daring ito na ngayon pa lang nila ginawa. Hindi naman bastos pero may kaseksihan talaga na malamang ikagugulat ng lahat.

Pero may mga nagkukuwestiyon na sa kanila kung bakit binigyan sila ng ganung break, na hindi pa sila hinog para magbida sa isang afternoon drama.

Sagot ni Mikael: “Ako naman hindi ko kinukuwestiyon ’yun. Kung ibinigay ito sa amin ng GMA, siguro ibig sabihin may tiwala sila sa amin.

“Sa akin, iniisip ko na lang na kailangan maipakita ko sa GMA at sa audience na deserving kami.”

Dugtong naman ni Andrea: “Positive thinking na lang kami at hindi na lang namin masyado ini-entertain ’yun.”

PAK: Sa press launch ng bagong album ni Bea Binene na Hey It’s Me…Bea kahapon, pinasamalatan niya ang Diyos at ang kanyang mommy sa bagong achievement ng kanyang career.

Hindi niya nabanggit ang kanyang ama na matagal nang napahiwalay sa kanya.

Naging emosyonal si Bea nang tinanong namin ito sa kanya.

“Siyempre, nagpapasalamat din ako kay papa kasi kung wala siya, wala naman ako rito sa mundo. Alam kong he’ll be proud of me,” maluha-luha niyang pahayag.

Pero ang pagkakaalam namin, nasusubaybayan si Bea ng kanyang ama kahit matagal na silang hindi nagkikita.

Nabalitaan din naming namili ng maraming kopya ng kanyang album ang kanyang ama.

Sa totoo lang, number two na nga sa charts ang ilang cuts sa album ni Bea at mabenta na rin ito sa record bars.

BOOM: Meron na namang hearing kahapon sina Annabelle Rama at Nadia Montenegro ng kasong oral defamation at grave coercion na isinampa ng huli sa una.

Sa San Juan Metropolitan Trial Court ito pero hindi nakasipot si Tita Annabelle dahil sa may sakit daw ang talent manager.

Humingi na lang ng korte ng medical certificate na isusumite nila para ma-justify lang kung bakit hindi ito nakasipot.

Dapat ay arraignment ito ng naturang kaso pero hindi nga natuloy kaya iri-reset ito sa loob ng labing-limang araw.

                                                                 

Show comments