MANILA, Philippines - Sino ang mag-aakala na matapos ang pananalasa ng Bagyong Ondoy noong 2009, ang nagraragasang baha na naglubog sa maraming kalsada ng National Capitol Region at karatig probinsiya nito ay muling magbabalik?
Pero sa pagkakataong ito, walang bagyo. Tanging ang malalakas na ulan dala ng southwest monsoon o habagat na pinalakas pa lalo ng bagyong Haikui sa labas ng Philippine Area of Responsibility ang nagdulot ng malaking pinsala sa Metro Manila at sa mga katabi nitong probinsiya.
Matapos ang tatlong taon, bibisitahing muli ng I-Witness ang mga nasalantang lugar partikular ang Marikina City.
Sa Provident Village sa Marikina, ang mga residente rito ay bumabangon pa lamang sa trahedya na naglubog sa kanilang mga tahanan sa baha.
Sumama si Jay Taruc pati na rin ang kanyang team sa rescue group, para magpatrolya sa village gamit ang rubber boat.
Habang papasok sa village, kapansin-pansin na lumalalim din ang tubig. Sa kanilang pag-iikot, nakita pa nila ang isang babae na may kargang bata na humihingi ng tulong. Nasa bubong sila ng kanilang bahay, basang-basa at nanginginig sa lamig. Hindi nila maiwanan ang kanilang bahay dahil sa takot na manakawan. Bukod sa kanila, may apat na babae at isang aso pa ang iniligtas.
Ayon sa kanila, mas malupit pa ang naranasan nila ngayon kesa Ondoy. Tila walang masyadong ginagawa para magkaroon ng pagbabago. Mula nang mangyari ang pagbabaha noong 2009, parang nabubuhay na raw sila sa takot.
Mapapanood ang Habagat documentary ni Jay Taruc sa I-Witness ngayong Lunes ng gabi, pagkatapos ng Saksi, sa GMA 7.