MANILA, Philippines - Marami ang nagbibiro, ’di masama ang mangarap dahil ito ay libre o walang bayad.
Ngayong Sabado sa Life and Style with Ricky Reyes ay tampok ang mga taong nangarap. Sa mga pinagdaanan sa buhay at sa tulong ng mga mabubuting-puso, ang mga pangarap na iyon ay natupad.
Unang maglalahad ng kanyang tunay na kasaysayan ay si Lovely Embuscado na nang sumali sa musical reality show na Protégé ay naging pambato ng Davao. Dati’y mga alagang biik ang inaawitan ng dalagita pero ngayo’y naririnig na ng buong daigdig ang kanyang ginintuang tinig.
Kundi ninyo alam, isa ring magaling na kusinera ang ating host na si Mader Ricky. Sa mahabang panaho’y ’di niya naharap ang pagluluto kaya aliw na aliw siya habang katulong ni Chef Toni sa pagluluto ng mga simpleng putahe na good for the heart.
Matutunghayan din ang kuwento ng isang mekaniko na matagal nang nangangarap na matikman ang mga watersports tulad ng jetski, parasailing, kayaking, at banana boat ride. Courtesy of the show, isang araw ay matutupad ang pangarap ng ginoong mapalad.
Mabait at tapat sa tungkulin ang isang bombero na ang tanging pinag-iipuna’y magkaroon ng bonding moment kasama ang mga mahal sa buhay sa isang bakasyon. Darating ang kanyang fairy godmother at isang kumpas lang ng magic wand ay dadalhin na ang buong pamilya sa isang libreng bakasyon sa Golden Sunset Resort and Spa.
Matutupad din ang pangarap ng mga ilang mapalad na graduates dahil aayusan sila ni Mader para sa graduation rites at grand ball na dadaluhan at bibigyan ng pangarap na salon ang isang bading.
Ang Life and Style ay napapanood sa GMA News TV tuwing alas-diyes hanggang alas-onse ng umaga tuwing Sabado. Handog ito ng ScriptoVision.