MANILA, Philippines - Nag-umpisa na ang pagbabago sa timeslot ng Pinoy Adventures ni Richard Gutierrez sa GMA 7 dahil mas pinaaga at pinahaba na ito, 6 to 7 p.m., at ginawa nang Sabado imbes na Linggo. Ito ay dahil maraming TV viewers ang humiling, kabilang na ang mga guro at estudyante, para mas makapanood sila.
Hindi lang iyon, marami rin silang natututunang lugar sa Pilipinas dahil iniikot at dinidiskubre uli ng Kapuso actor-TV host ang Pilipinas. Mistulang tour guide at daring na adventurer, madalas mahihirap at malalayong lugar ang dinadayo ni Richard.
“I didn’t realize how beautiful the country is until I watched Pinoy Adventures na gustung-gusto na ng viewing public,” dagdag pa ni Richard.
Ang unang episode sa pagpasok ng second season ng show ay ang pagpunta ni Richard sa Bukidnon para sa magagandang bukid at bundok nito. At sino pa ang perfect na kasama kundi si Sarah Lahbati ’di ba?
Enjoy na enjoy naman ang nababalitang bagong girlfriend ni Chard sa mga nakitang rancho at pineapple plantation. Tulad ng nakasanayan, gumawa ng sariling stunts ang TV host sa ibabaw ng cable wire. Sanay na sanay na siya sa mga pagda-dive sa dagat, pagtalon sa waterfalls, pag-akyat ng bundok, at kahit ang pakikipag-bonding sa mga katutubo.
Walang problema dahil adventurer at heart si Chard. Sa unang season nga ng show ay nakita ang galing niya sa mga pinasyalang Cebu, Palawan, Romblon, Surigao, at Kalinga Apayao.