Vandolph hintay nang hintay kay Dolphy

PIK: Feeling naman ni Carl Guevarra, tatanggapin siya ng mga fans ni Kris Bernal kung sakaling mapasagot niya ito.

Malapit na kasing simulan ang drama series na muling pagsasamahan nina Aljur Abrenica at Kris at baka maapektuhan daw ang patuloy na panliligaw ni Carl.

Nakatsikahan namin si Carl sa Ever Buddy Happy mall show ng Ever Ortigas nung nakaraang Linggo, at sabi ng guwapong aktor, hiwalay naman daw sa trabaho ni Kris ang personal na isyu nito at hindi naman daw makakasagabal sa loveteam nina Aljur at Kris ang pagmamahal niya sa young actress.

Matiyaga pa rin kasing nanliligaw si Carl at natutuwa naman siya dahil ini-entertain daw ito ni Kris. Pero tila hindi pa handang makipagrelasyon uli, kaya hindi pa siya nasasagot.

PAK: Tiyak na maiinggit si Vandolph kapag mabalitaan niyang nagparamdam si Dolphy kay Zsa Zsa Padilla kamakailan lang.

Kuwento ni Zsa Zsa, nagpakita raw ang Comedy King sa CCTV ng kanilang tahanan.

Gustung-gusto pa naman ni Vandolph na magparamdam sa kanya ang Daddy niya. Kahit daw sa panaginip ay hindi raw ito nagparamdam, kaya naghihintay lang daw siya dahil gustung-gusto niya itong makita uli.

BOOM: Aminado si Jose Manalo na hindi pa talaga sila okay ng mga anak niya pagkatapos mabasura ang kasong isinampa sa kanya ng kanyang asawang si Ana Lyn Manalo.

Iniiwasan niya sana itong pag-usapan pero hindi naman niya naitago na hindi pa ganun ka-okay ang komunikasyon sa kanyang mga anak.

Pero ipinagmamalaki niyang hindi siya nagkulang sa pagbigay suporta sa kanyang mga anak.

“Di baleng wala na akong maisusubo sa bibig ko basta may maibibigay lang ako sa kanila. Siguro maging okay naman ang lahat,” pahayag pa nito.

Parang nagsisimula nga siya ngayon pagkatapos nang mga pinagdaanan niya, kaya kayod na lang siya nang kayod para makapag-ipon pa siya at muling makapagpundar.

Kasama si Jose at Wally sa filmfest entry nina Sen. Bong Revilla, Vic Sotto at Judy Ann Santos na Si Agimat, si Enteng at si ME.

Tinatapos din nila ang kanilang pelikula sa APT Films na Sa ‘Yo ang Bangkusay, Akin ang Pritil.

Show comments