Elize kailangang operahan

MANILA, Philippines - Makukumpirma ni Leila (Agot Isidro) ang sinasabing sakit ni Elize (Louise delos Reyes). Mag-aalala ng lubos sina Carlos (Raymond Bagatsing) at Yaya Brittanny (Tiya Pusit), pero hindi pa rin kuntento si Leila sa narinig. Dadalhin niya si Elize sa ibang ospital para kumuha ng second opinion.

Hihiling naman si Tisoy (Alden Richards) kay Dyna (Ana Capri) na ‘wag munang sabihin kay Elize ang tungkol sa pagkuha niya ng acceleration test, para hindi siya mapahiya mangyaring hindi siya pumasa.

Samantala, mauuna naman si Troy (Lucho Ayala) maka­alam ng pinagdaraanan ni Elize ngayon nang sabihin sa kanya ni Marla (Winwyn Marquez) ang balita. Na siya namang ibabalita nito kay Ellen (Jean Garcia.)

Sa ospital, sasabihan na sina Carlos at Leila na hindi nga nagkamali ang unang set of doctors na tumingin kay Elize. Sasabihin rin nila kina Carlos na kailangan nang ma-operahan si Elize sa lalong madaling panahon!

Wala nang magagawa si Carlos, at para sa kaligtasan ng kinikilalang anak ay papayag siya sa madaliang operasyon. Pero bago pa ito magsimula, may hihilingin si Elize sa kanya.

Magugulat naman si Leila sa pag-uwi niya nang makaharap niya si Ellen. Magtatalo ang dalawa tungkol sa kalagayan ni Elize, pero hindi aaminin ni Leila na may sakit nga ang dalaga. Hindi naman maniniwala si Ellen kaya susundan niya si Leila sa pagbalik nito ng ospital!

Habang si Tisoy naman ay makakatanggap ng tawag mula sa ‘di inaasahang tao—na siyang magdadala ng kaba sa binata na may masamang mangyayari. Magde-decide ito na puntahan si Elize sa bahay nila, pero ang dadatnan niya ay gulong dala ni Troy .

Mangyayari na rin ang kinatatakot ni Carlos. Susugod si Ellen sa ospital at sasabihin kay Elize na siya ang ina nito—habang nakaharap sina Carlos at Leila!

Lalong umiinit ang mga pangyayari sa One True Love na lalong inaaba­ngan gabi-gabi sa GMA 7.

Show comments