Patrol ng Pilipino sisiyasatin ang pagdami ng kabataang nabubuntis

MANILA, Philippines - Pabata nang pabata ang mga Pinay na nahihimok na makipagtalik habang tumataas pa rin ang bilang ng mga batang ina sa bansa ayon sa isang pag-aaral ng United Nations (UN) na nagsasabing ang Pilipinas ang may pinakamaraming kaso ng mga nagbubuntis na menor de edad sa buong Southeast Asia.

Ngayong Martes (July 31) sa Patrol ng Pilipino, kakapanayamin ni Jing Castañeda ang isang magbabarkada ng mga batang ina upang alamin kung ano nga ba ang mga dahilan na nagtutulak sa kanila upang pumasok sa responsibilidad ng pagkakaroon ng anak.

Lumalabas din sa pagsasaliksik ng UN Population Fund na tumaas ng 70% ang bilang ng teenage pregnancies sa bansa sa loob lamang ng isang dekada at 53 sa bawat 1,000 kababaihang nasa edad 15 hanggang 19 ang maagang nabubuntis.

Kulang nga ba sa gabay ang mga magulang ngayon kaya’t napapabayaan ang mga anak? Ano ang maaaring gawin ng lipunan at pamilya upang maiwasan at matulungan ang mga kabataan ngayon?

Samantala, iimbestigahan naman ni Dominic Almelor ang natuklasan ng Commission on Audit na umano’y kuwestiyonableng proseso ng pagpili ng mga pamilyang benipisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program, isang programa ng pamahalaan na naglalayong tulungan ang pinakamahihirap na mag-anak sa bansa.

Maraming umanong beneficiaries ng programa ang hindi naman talaga karapat-dapat na matulungan dahil sa hindi pagpasa sa mga pamantayan nito. Paano ba ito ipapaliwanag ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang diperensiyang ito?

Alamin ang kuwento sa likod ng mga maiinit na balita sa Patrol ng Pilipino pagkatapos ng Bandila sa ABS-CBN o sa mas maagang pag-ere nito sa DZMM TeleRadyo (SKyCable Channel 26), 9:15 p.m.

Show comments