Nag-enroll na si Marian Rivera sa Center for Asian Culinary Studies, sinamahan siya ni Janice de Belen dahil dito rin graduate ng culinary studies si Janice. Seryoso si Marian na madagdagan ang kaalaman sa pagluluto. Diploma ang habol ng aktres kaya pino-problema na ang schedule sa mga darating na buwan dahil magiging hectic.
Hindi sana bibigat ang schedule ni Marian dahil matatapos na ang Tweets For My Sweet at kahit may option ang GMA 7 na ituloy ang comedy show hindi na puwede’t sa September kasi ay magsisimula na siyang mag-taping ng bago niyang soap.
Malapit na ring simulan nina Marian at Coco Martin ang shooting ng movie nila sa Regal Entertainment, Inc. kaya inaayos nila ng manager niyang si Popoy Caritativo ang kanyang schedule para walang nabibitin na trabaho.
Samantala, darating sa bansa para mag-concert ang K-Pop na Bing Bang at isa sa mga member nito ang nagpahayag na crush niya si Marian at gusto niyang makita ang aktres pagdating niya ng ’Pinas nang mapanood niya ang aktres bilang si Darna sa isang Japanese TV show.
Pabalik na sa ’Pinas Nora nilalatagan na ng TV show at pelikula ng Kapatid Network
This week ang balik ni Nora Aunor mula sa Amerika at sa kanyang pagdating, pag-uusapan ang new assignments niya sa TV at movie. Isa rito ang taping niya sa Untold Stories ng TV5 na dahil inilipat na sa primetime, big stars ng network na ang lalabas sa mga unang episode.
Pag-uusapan din ang bagong pelikulang gagawin ni Guy, ayaw pang ipaalam kung saang film company at kung sino ang kanyang makakasama. Hopefully, maipalabas ito bago matapos ang taon.
Maganda sana kung ipapa-interview siya ng TV5 para marinig ang comment ni Guy sa hindi pagpasok ng Thy Womb sa Metro Manila Film Festival (MMFF) at iba pang isyu na mas mabuti kung siya ang sasagot.
Kris nakasalalay sa schedule ang career
Busy ang Wednesday schedule ni Kis Aquino dahil after ng live episode ng Kris TV, by 10 a.m., nasa Manila Memorial Park na siya para dumalo sa mass sa death anniversary ni former President Corazon Aquino. After the mass, diretso ang TV host-actress sa taping ng Kailangan Ko’y Ikaw, ang teleserye nila nina Anne Curtis at Robin Padilla.
Magaling ang gumagawa ng schedule ni Kris dahil kahit gaano siya ka-busy, nagagawa at napupuntahan niya lahat. Nakakapag-shoot pa siya ng TV commercial sa ibang bansa at nakakapag-baked ng cookies o mga requested food ni Bimby Yap.
Ang walang balita ay kung nakapag-shooting na sina Kris at Piolo Pascual ng pelikula nila sa Star Cinema. Sabagay, next year pa ang playdate nito, uunahin muna nila ni Vice Ganda ang shooting ng movie nila na entry ng Star Cinema sa MMFF. Hindi namin isinulat ang title dahil gustong papalitan ni Kris.
Osang pinagkakaguluhan sa mall
Nakausap namin si Osang, ’yung cross-dresser na bading na sumali sa X Factor at kinabiliban ni Martin Nievera dahil sa galing kumanta pero hindi siya nakapasok na finalist. Inamin ni Osang na nalungkot siya nang maligwak dahil sa followers niyang naniniwala sa kanya pero hindi siya nagalit.
Inisip na lang niya na hindi pa handa ang mga Pinoy na tanggapin ang kagaya niyang cross-dresser. Wala na siyang balak sumali pa sa ibang singing search sa TV.
In fairness, kilala si Osang ng tao na nasa mall tour ng Ever Gotesco Ortigas, Pasig City at nakailang kanta ito bago bitawan ng tao. Sa lakas ng hatak sa tao, parang kukunin pa siya ng ibang branches ng mall dahil pinasaya niya ang shoppers at swak siya sa logo ng mall na Ever Buddy Happy.