Mukhang maganda ’yung ginagawang pagtatapat sa tween stars ng GMA 7 sa mga Kapamilya bagets. Parang mas mabilis ang pagsikat ng mga ito.
Kahit mas nauna na sina Daniel Padilla, Khalil Ramos, at Enrique Gil na bumandera sa primetime TV via Princess and I at kahit kabagu-bago pa lamang nina Kristoffer Martin at Derrick Monasterio sa Luna Blanca, kumukuha na sila ng malaking audience share sa nasabing timeslot.
Soon, sali na rin sa labanan sina Barbie Forteza at Bea Binene as against Kathryn Bernardo.
Ang ganda ng labanan. Ito ang dapat suportahan ng fans.
Mga kapatid ng celebs ginawang pangtakam sa talent search
Ngayon, mas higit akong naniniwala na may pagkakapareho ang aking dating programang That’s Entertainment sa mga ginaganap ngayong reality searches ng iba’t ibang network, lalo na ang Artista Academy ng TV5. Marami kasi silang ipinasang mga kapatid o kamag-anak ng mga artista at celebs na sa aking pananaw ay makatutulong ng malaki para maging mas interesting ang programa.
I heard pumasa sa audition ang anak ni Alvin Patrimonio na si Angelo Patrimonio na dati nang nag-aartista sa ABS-CBN; si Alwin Abrenica na kapatid ng Kapusong si Aljur; si Keno na kapatid ni Kean Cipriano at isa pa ring kapatid ni Polo Ravales.
Sa kanila pa lamang ay tutok na ang maraming manonood. Gaano pa kaya kung mas marami pa silang mga kamag-anak ng artista?
Kimerald hirap maka-move on
Siguro naman ay matatahimik kahit sumandali ang mga Kimerald sa balitang magkakasamang muli ang mga idolo nilang sina Gerald Anderson at Kim Chiu sa isang project. Sumandali rin sigurong matatahimik si Sarah Geronimo at ang kampo niya sa mga “panggugulo” at “pagbabanta” ng mga hindi sang-ayon sa ligawang nagaganap sa dalawa.
Kung totoo ang mga balita, mukhang consistent naman sa kanilang pag-uugali ang fans nina Gerald at Kim pero hanggang kailan nila tatanggapin ang katotohanan na wala na ang dalawa? At the most hanggang sa pagiging co-workers na lamang sila. Kung ang dalawa ay naka-move on na, kailan naman sila?
GMA gagawa ng bagong love team kina Mikael at Andrea
Mukhang namang interesting ’yung gagawing pagtatambal ng GMA 7 kina Mikael Daez at Andrea Torres. Parehong nabibilang sa pinakamagagandang artista ang dalawa at may ibubuga naman sa pag-arte. Anong malay natin baka makagawa ng isang kikilalaning love team ang GMA 7 sa kanilang dalawa?
Panahon na rin para magbida ang dalawa. Matagal na silang sumusuporta sa mga kasamahan nilang Kapuso. Bakit hindi naman sila ang suportahan nila?