Gerald wala na talagang pag-asa, Sarah napaiyak sa rebelasyon ni Mommy Divine

Umiyak uli ang aking favorite na si Sarah Ge­ronimo sa Sarah G. Live! noong Linggo. Tumulo ang luha ni Sarah sa live guesting ng kanyang mga magulang na sina Delfin at Divine.

Nilinaw ni Sarah na hindi totoo ang mga tsismis na ang Mommy Divine niya ang nagsabi kay Gerald Anderson na huminto ito sa panliligaw sa kanya. Absuwelto na si Divine kaya nag-iimbestiga ang fans sa tunay na dahilan ng pagkakaudlot ng panliligaw ni Gerald kay Sarah.

Ang sey ni Divine, nagiging firm siya sa mga desisyon niya kapag ang kapakanan ng kanyang mga anak ang involved. Simple lang ang request ni Divine sa mga nagbabalak na ligawan ang kanyang 24-year-old daughter, ang ligawan ito sa kanilang bahay, hindi sa labas o sa pamamagitan ng mga text message.

Napaiyak si Sarah sa dialogue ng kanyang mga magulang at para tumulo ang luha niya, posibleng may pinagdaraanan siya.

Katrina nagpaka-antipatika

Kinukulit ako ng fans, sino ba raw ang malditang aktres na nang-isnab sa kaibigan ko? Madali akong kausap kaya sasabihin ko na ang name niya at siya eh walang iba kundi si Katrina Halili.

Naloka ang aking friend na si Pinky Tobiano nang magkasama sila ni Katrina sa isang okasyon noong Sabado. Naging antipatika sa kanya si Katrina, lalo na nang sabihin niya na close kami.

Wala akong problema kay Katrina pero mukhang siya ang may problema sa akin. Hindi ko nagustuhan ang ugali na ipinakita niya sa kaibigan ko. Nalimutan yata ni Katrina na siya ang ipinagtanggol at kinampihan ko nang kumalat noon ang sex video nila ni Hayden Kho, Jr.

Naimbiyerna lang ako sa kanya nang idamay niya sa isyu si Dr. Vicki Belo. May agreement kami ni Katrina na huwag nitong isangkot si Mama Vicki dahil wala naman talaga itong kinalaman sa pagkalat ng sex video.

Binigyan ko pa siya ng raket sa kampanya ng isang pulitiko na kumandidato noon. Malaki ang ibinayad kay Katrina at hindi ako humingi ng komisyon dahil alam ko na nangangailangan siya ng datung. Kung tutuusin, luging-lugi ang pulitiko dahil hindi niya nagamit si Katrina sa pangangampanya.

Ayoko na sanang ungkatin ang nakaraan pero kailangang ipaalala ito kay Katrina para tumigil siya sa pagmamaldita sa mga kaibigan ko. Well, it’s her loss dahil hindi niya binigyan ng pagkakataon ang sarili na makilala si Pinky. Ganyan ang nangyayari sa mga tao na nagsusuplada sa kapwa. Sila ang nawawalan ng biyaya at opportunity na magkaroon ng mga bago at mabubuting kaibigan.

Direk gumawa ng history sa Cinemalaya dahil kina Juday at Iza

Parang nanalo rin ang pakiramdam ni Joey Reyes dahil mga best actress at best supporting actress ng Cinemalaya Independent Film Festival ang apat na aktres na mga bida ng Mga Mumunting Lihim, sina Judy Ann Santos, Janice de Belen, Agot Isidro, at Iza Calzado.                                    

Si Joey ang writer at director ng Mga Mumunting Lihim. Hindi man niya napanalunan ang best director trophy, winner na maituturing si Joey dahil sa mga acting award ng kanyang mga artista. Sa madaling salita, gumawa ng history ang cast at director ng Mga Mumunting Lihim.

Marami ang na-curious kaya type nilang mapanood sa mga sinehan ang pelikula na dedicated ni Joey sa kanyang departed friends, sina Don Escudero at Khryss Adalia. Gustong makita ng mga curious ang sikreto ng double victory sa Cinemalaya nina Juday, Iza, Agot, at Janice.

Show comments