Labanan nabuhay na naman, Ate Vi tinarayan ng Noranians!

PIK: Nakagawa na si Sam Concepcion ng ilang pelikula sa Star Cinema kaya hindi maiwasang ikumpara itong ginawa niya sa Unitel na I Do Bidoo Bidoo dahil siya ang isa sa mga bida rito.

Pero ayon kay Sam, malapit sa kanya itong I Do Bidoo Bidoo dahil hindi lang akting ang ipapakita niya rito kundi ang galing niya sa pagkanta.

Makakatambal niya rito si Tippy Dos Santos na kapatid niya sa Stages.

Aminado naman itong si Tippy na kumakabog ang dibdib niya tuwing nakakasama sa shooting si Sam. Hindi lang niya masabing crush niya itong si Sam.

PAK: Mukhang mabubuhay na naman ang labanang Nora Aunor-Vilma Santos dahil habang showing ang The Healing, pinag-uusapan naman ang pagpasok sa main competition ng pelikulang The Womb ni Nora Aunor at Lovi Poe sa Venice International Film Festival.

Malaking karangalan ito sa pelikula ni direk Brillante Mendoza na hindi nga nakapasok bilang isa sa mga entries sa Metro Manila Film Festival.

Pero ang matindi rito, makakalaban daw ni Nora ang mga batikang international actress na sina Rachel McAdams at Noomi Rapace.

Kaya taray ng isang Noranian, international filmfest queen daw ang Ate Guy, paano raw ito lalabanan ng isang horror queen! Yun na!

BOOM: Bukas na ang awards night ng Cinemalaya Philippine Independent Film Festival at ngayon pa lang ay pinag-uusapan na ang matinding labanan sa New Breed category.

 Matinding labanan daw ito sa Best Actor sina JM de Guzman ng Intoy Syokoy ng Kalye Marino, Coco Martin ng Santa Nina, Kristoffer King ng Oros at si Dennis Trillo ng Ang Katiwala.

 Sa Best Actress category naman ay malamang na labanan daw ito nina Jodi Sta. Maria ng Aparisyon at si LJ Reyes ng Intoy Syokoy. Pero mas boto kami kay LJ na tanging siya lang pinuri ng karamihang napanood ang halos lahat na mga entries sa Cinemalaya.

Sa Director’s Showcase naman ay malakas ang Bwakaw at hinuhulaang si Eddie Garcia na raw ang best actor dito.   

Pero matindi rin ang laban ng Mga Mumunting Lihim na wala kang itulak-kabigin kina Judy Ann Santos, Iza Calzado, Agot Isidro, at Janice de Belen.

Show comments