Caloocan City Prosecutor idinismis ang mga kaso sa mga taga-GMA
MANILA, Philippines - Nirekomenda ng Caloocan City prosecutor ang pagdi-dismiss ng inihaing reklamo laban kina GMA Chairman at CEO Atty. Felipe L. Gozon, Imbestigador host Mike Enriquez at Imbestigador segment producer John Cabaluna na nag-ugat sa isang episode ng nasabing programa na umere noong Jan. 29, 2011.
Nakasaad sa resolution ni Investigating Prosecutor Albert Cansino ng Office of the City Prosecutor ng Caloocan na dapat lamang idismiss ang reklamo dahil sa kakulangan ng sapat na ebidensiya.
Inakusahan ang mga respondent mula sa GMA ng kidnapping, libel, injury, frustrated homicide, robbery, obstruction of justice, illegal arrest, abuse of authority, trespassing, fraud, perjury, at estafa ni Daniel Orijuela matapos siyang makorner sa raid na isinagawa sa kanyang opisina ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa illegal medical practices.
Noong November 2010, nag-alok diumano si Orijuela na gamutin si Franciso Elmaga, Sr., isang pasyenteng may stage IV prostrate cancer, gamit ang kanyang ‘antibody treatment’ machine. Ayon kay Orijuela, mapapabuti ng machine niya ang pakiramdam ng pasyente pero hindi garantisadong makapagbibigay lunas ito.
Ang paggamit ng machine sa loob ng dalawang buwan pati na ang mga food supplements ay nagkakahalaga ng P100,000.
Pumayag ang pamilya ni Elmaga, Sr. na gamitin ang machine ni Orijuela pero wala silang sapat na pera upang bayaran ang buong halaga noong panahong iyon kung kaya’t nahinto ang paggamit niya ng machine noong Nobyembre. Inako ni Elmaga, Jr. ang pagbabayad ng discounted price na P50,000 kaya’t nakapagpatuloy sa paggamit ng machine si Elmaga, Sr. noong Dec. 31, 2010. Nahinto nang tuluyan ang paggamit ng machine noong Jan. 12, 2011 dahil ’di natupad ni Elmaga, Jr. ang pagbabayad ayon sa kasunduan nila ni Orijuela.
Dahil dito ay naging paksa ng isang NBI entrapment operation si Orijuela noong Jan. 28, 2011, at pagkatapos ay na-detain sa NBI office.
Ang mga insidenteng ito ay pinalabas sa programang Imbestigador.
- Latest