Zsa Zsa namamanhid ang binti, nahihirapang maglakad!

PIK: Natutuwang ikinukuwento ni Geoff Eigenmann na kampante na siya ngayong nakakaeksena ang daddy niyang si Michael de Mesa sa Kasalanan Bang Ibigin Ka.

Nung mga unang taping na magkaeksena silang mag-ama ay hindi naitatago ni Geoff ang matinding kaba at nagkakandabulol-bulol pa siya.

Pero ngayon ay nakasanayan na niya dahil suportado naman siya ni Michael lalo na sa mga mabibigat nilang eksena.

 PAK: Pinabulaanan ni Alden Richards ang intrigang mas type siya ng mommy ni Louise delos Reyes na maging boyfriend.

 “Baka nahu-hook lang po si mommy sa One True Love,” natatawang sagot sa amin ni Alden.

Pagdating sa love life ni Louise ay hindi nakikialam si Alden dahil alam naman niya kung sino ang mas napupusuan nito.

Pero pagdating sa One True Love, siyempre in love na in love sila sa isa’t isa. Hindi naman sila nagpapadala sa mga karakter na ginagampanan nila sa kanilang drama series dahil talagang friends lang sila.

Mas komportable na sila sa isa’t isa kaya maganda na ang tandem nila na patuloy na sinusubaybayan ng mga manonood.

Kaya masaya si Alden na ibinalita sa aming extended ang kanilang One True Love dahil sa magandang feedback at consistent na mataas ang rating.

BOOM: Hindi nakadalo si Zsa Zsa Padilla sa pa-dinner na ini-host ni Willie Revillame nung isang gabi para sa kaarawan ni Dolphy.

May sakit si Zsa Za pati ang anak nilang si Zia Quizon, kaya kahit sa Heri­tage Memorial Park ay hindi rin nakasipot ang Divine Diva.

Sabi ni Eric Quizon, hirap makalakad si Zsa Zsa dahil parang namamanhid ang binti nito kaya nagpahinga na lang muna siya.

Dumalo naman ang iba pang anak ng Comedy King sa mass at pa-dinner ni Willie para sa birthday ni Dolphy na ginanap sa Wil’s Place sa Quezon City.

Doon narinig naming pinag-uusapan na nina Eric at ilang kaibigan kung ano ang gagawin nila sa 40 days ng kamatayan ni Dolphy.

 “Kapag naayos na lahat, i-announce ko rin sa inyo. Maganda ito dahil dito magsama-sama na naman at magkaisa uli ang mga malalaking TV network, ang ABS-CBN, GMA 7, at TV 5,” pahayag ng actor-director.

Show comments