Sa pamumuno ng apat na hosts, dalawa ay mula sa nawalang Showbiz Central at ang dalawa, bagama’t matagal ng artista ay ngayon lamang napagkatiwalaan na mag-host ng H.O.T TV (Hindi Ordinaryong Tsismis) na bukod sa magbibigay ng mga bagong balita tungkol sa mundo ng entertainment ay magtatampok ng non-showbiz people and events at mga hindi ordinaryong kuwento nila kasama na ang mga supernatural events at investigative reports - sina Jennylyn Mercado at Raymond Gutierrez, mga beterano ng Showbiz Central at ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez at ang magaling na aktor na si Roderick Paulate.
First time ni Regine na mag-host ng isang showbiz news magazine program. Walang pressure kay Regine dahil ayon sa kanya isa siyang certified showbiz tsismosa. At bilang paghahanda sa kanyang pagsabak bilang host ng programa, nagpapayat talaga siya ng husto.
Sa tulong ng South Beach diet na ibinibigay sa kanya ng Sexy Chef, mga 25 libra na ang nawala sa kanya. Mga l5 pounds more pa at okay na siya. Saka niya babalikan ang kanyang pagyo-yoga.
“Matagal kong pinag-isipan kung tatanggapin ko ang show dahil hindi pa ako nakakagawa ng ganito. Nang magsabi naman ako kay Ogie (Alcasid, her husband) sabi niya ‘why not?’ Every Sunday lang ito so I will still have time for Nate. At sa show, we will try to be more positive. Excited na akong marinig ang iba’t ibang opinyon naming apat,” sabi niya.
More on lifestyle naman ang tatalakayin ni Jennylyn. Kung may tsismis man siyang ibibigay, gagawin niya itong mas informative. Like may feature sa show na isang marathon runner, sasabayan niya ang pagtakbo nito sa isang 2K run para lamang makausap ito at mai-feature ang kanyang sport.
Tinanggap naman ni Roderick ang project dahil hindi ito tsismis. Mga kakaibang pangyayari sa mundo ang assigned sa kanya at kahit showbiz ito ay carry din niya dahil minsan na rin siyang nag-host ng isang showbiz-oriented show, ang Showbiz Lingo sa ABS-CBN.
At si Raymond ay natutuwa dahil sa H.O.T TV ay tumaas na ang kanyang level bilang isang host.
“Exciting dahil may mga bago akong kasama at panibagong pagsubok para sa akin,” sabi niya.
Samantala, natatawa na lamang si Jennylyn sa balitang live-in set up na sila ni Luis Manzano.
“Hindi ito totoo, may bahay naman po ako at may anak. Hindi ako naniniwala sa ganitong arrangement,” reaksiyon niya na naghahanap ng panahon sa kanyang napakaabalang schedule para makabalik ng eskuwela.
Gusto niyang mag-aral ng culinary arts.
Ngayon higit kalian man ay nagpapasalamat si Regine Velasquez na hindi na-shelve completely ’yung movie nila ni Aga Muhlach.
“Sayang naman kung hindi namin tatapusin eh napakaganda pala ng pelikula. At pasadung-pasado pa sa panahon ngayon. Akala ko kasi ay dated na. Ang cute namin dito ni Aga,” paunang sabi ng singer-actress-TV host.
Nakakaisang linggo na silang nakapagre-resume ng kanilang shooting ng nasabing pelikula na pinamagatang Of All the Things. Tinatawag itong epic ni Regine dahil wala pa siyang anak nang simulan nila ang movie.
“Ngayon ay nakakatayo nang mag-isa sa kanyang playpen si Nate. Nauntog na nga ito, buti na lang hindi malakas. Ina-allow ko rin siyang matulog na kasama ang yaya niya. Sabi ko chance ko na para makatulog ng diretso. Dati kasi sa umaga na lang ako nakakatulog. Mali pala ako, hindi ang baby ko ang nanibago kundi ako mismo. Mag-uumaga na akong nakakatulog,” kuwento niya sa press launch ng H.O.T TV.
Sinabi rin ni Regine na kahit itinuturing na nilang isang malaking blessing si Baby Nate, magiging masaya sila kung mabibigyan pa sila ng isa pang anak.
“Kung hindi okay lang. Matatanda na rin naman kami. Sobrang blessing na si Nate,” dagdag pa niya.