PIK: Nagsimula na ang Inside Protégé kagabi pagkatapos ng One True Love na hino-host ni Jennylyn Mercado. Nagsimula pa lamang sa audition ang napapanood pero meron nang napiling protégés ang mga mentor na sina Phillip Salvador, Gina Alajar, Ricky Davao, Roderick Paulate, at Jolina Magdangal.
Makikita muna ang masusing pagpili sa protégés, at makikita roon ang pagsali ng kapatid ni Maja Salvador at ang isang transgender.
Pero sa Aug. 5 ang gala night na iho-host nina Dingdong Dantes at Carla Abellana, doon iri-reveal kung sino ang masuwerteng 20 protégés na nakapasok at nasa quarters ng Protégé.
PAK: Makahulugan ang sagot ni Richard Gutierrez nang tinanong ito kung nanliligaw na ba siya kay Sarah Lahbati.
“Basta sa ngayon, let’s just put it this way, siguro at the right time, at the right moment, ipapaalam din namin sa lahat kung ano ’yung meron kami,” sabi ng Kapuso actor.
Nung tinanong siya ng mommy niya tungkol sa kanila ni Sarah, sinabi naman niya ang totoo. Pero wala raw muna silang sasabihin sa publiko. Ini-enjoy lang nila ang kung ano meron sila ng young actress na madalas niyang nakakasama sa taping ng Makapiling Kang Muli.
Tinitiyak niyang kahit matatapos na ang kanilang drama series, tuloy pa rin sila ni Sarah at sabi nga niya, sana makapiling daw niya itong muli.
BOOM: Ilang linggo na palang hindi nagpapakita si Patrick Garcia sa anak nila ni Jennylyn Mercado na si Alex Jazz.
Nang itanong namin kay Jennylyn ito, ayaw na niyang ikuwento pa dahil ayaw niyang maging simula pa ito ng isyu nila ni Patrick.
“Ayoko na lang magkaisyu pa. Ayoko ng negative. Basta okay naman si Jazz,” matipid niyang sagot nang nakatsikahan namin ito sa pictorial ng Belomed kahapon.
Kinulit uli namin kung hinahanap ba ng anak nila si Patrick. Paano niya ipinapaliwanag kapag naghahanap ito sa daddy niya.
“Ewan ko po. Basta ayoko na lang magsalita,” iwas uli ni Jen na halatang ayaw nang palakihin pa ang isyu.
Punung-puno rin kasi ang schedule ni Jennylyn, kaya kulang din ang oras niya sa kanyang anak, kaya minsan ay isinasama na niya ito kapag sa GMA studio lang siya nagti-taping.
Sexy ang pictorial ni Jennylyn sa Belomed dahil skin care ang bagong ini-endorse nito.
Nagkaroon din siya ng sexy pictorial sa Bench dahil siya ang additional endorser ngayon ng Bench Body. First time niyang nagpa-pictorial ng naka-underwear at medyo may pagka-daring pa.